INIULAT ng Provincial Health Office, mula sa bilang na 51 kaso noong nakaraang 27 Disyembre at 80 kaso noong 29 Disyembre, muling tumaas ang bilang ng mga aktibong kaso ng CoVid-19 sa 392 nitong Linggo, 2 Enero.
Ayon sa Provincial Health Office, ang kabuuang bilang ng kompirmadong kaso ng CoVid-19 sa lalawigan ay umabot sa 92,323, may 90,450 nakarekober.
Samantala, walang naiulat na namatay kaya ang kabuuang bilang ng CoVid-19 fatalities sa Bulacan ay nananatili sa 1,481.
Kasunod nito, umapela si Gov. Daniel Fernando sa mga Bulakenyo na mahigpit na sundin ang ipinaiiral na health protocols upang maiwasan ang pagkalat ng virus sa lalawigan.
Nagpaalala rin ang gobernador sa mga nasasakupan na palaging magsuot ng facemask at umiwas sa matataong lugar.
Dahil sa muling pagsikad ng bilang ng mga aktibong kaso sa lalawigan, isinailalim ito sa Alert Level 3 ng Inter-Agency Task Force (IATF) simula nitong Miyerkoles, 5 Enero hanggang 15 Ener0. (MICKA BAUTISTA)