SA KABILA ng umiiral na pandemya, mas pinili ng ilang mga residente sa Gitnang Luzon na magdiwang ng bisperas ng Bagong Taon sa labas ng kanilang mga tahanan, para mag-ingay sa paniniwalang maitataboy nito ang malas sa pagpasok ng taong 2022.
Gayonpaman, iniulat ng Department of Health (DOH) sa Regi0n 3, may ilang naging biktima ng paputok ang nasugatan samantala walang naiulat na namatay.
Ayon sa DOH Region 3, tumaas ng 164 porsiyento ang naitalang nasugatan sa kabuaan ng Region 3 sa pagsalubong ng Bagong Taon at umabot sa 58 ang naitalang nasugatan mula 21 Disyembre 2021 hanggang 6:00 am nitong 1 Enero.
Nangunguna ang Pampanga sa pinakamaraming naitalang nasugatan na may 24 bilang, sinundan ng Tarlac na may 14, Bulacan, siyam na kaso, lima sa Nueva Ecija, apat sa Bataan, at tig-isang kaso sa Aurora at Zambales.
Pinakamarami ang tinamaan at nasugatan sa kuwitis, five star, at baby rocket, habang walang naitalang kaso ng mga nakalunok o firecracker ingestion at tetanus. Wala rin insidente ng ligaw na bala sa pagsalubong ng 2022. (MICKA BAUTISTA)