MAGKAKASUNOD na inaresto sa serye ng mga operasyong ikinasa ng mga awtoridad ang 10 kataong pawang may paglabag sa batas, sa lalawigan ng Bulacan hanggang Linggo ng umaga, 2 Enero.
Batay sa ulat na ipinadala kay P/Col. Manuel Lukban, Jr., acting provincial director ng Bulacan PNP, dinakip ang apat sa mga suspek sa ikinasang anti-illegal drug operations ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng mga himpilan ng pulisya ng Baliwag, Bulakan, at Pandi.
Kinilala ang mga naaresto na sina Carl John Samson, alyas CJ, at Jomari de Leon, alyas Jom, kapwa residente sa Brgy. San Francisco, Bulakan; Nagamora Ganim, alyas Jasper ng Brgy. Poblacion, Baliuag; at Edward Ignacio, alyas Tape ng Brgy. Mapulang Lupa, Pandi.
Nakompiska mula sa mga suspek ang tatlong pakete ng tuyong dahon ng hinihinalang marijuana, anim na pakete ng hinihinalang shabu, at buy bust money na ginamit sa operasyon.
Gayondin, dinampot si Rico Jay Badrinay, alyas RJ ng Brgy. Mapulang Lupa, Pandi sa kasong Alarm and Scandal, at paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002).
Napag-alamang sumugod ang suspek sa harap ng Pandi Municipal Police Station (MPS) at nagwala habang naghahain ng reklamo.
Nang hilingin ng mga awtoridad ang kanyang ID, narekober mula sa kanyang pag-iingat ang isang pakete ng hinihinalang shabu.
Samantala, dinampot ang dalawang indibidwal sa magkahiwalay na insidente ng krimen sa mga bayan ng Angat at San Ildefonso.
Kinilala ang mga suspek na sina Romeo Rigore ng Brgy. Sto. Cristo, Angat, para sa tatlong bilang ng kasong paglabag sa RA 8353 (Anti-Rape Law); at Rolando Valderama ng Brgy. Pasong Bangkal, San Ildefonso para sa kasong Frustrated Homicide.
Sa inilatag na manhunt operations ng tracker teams ng Pandi at Baliwag MPS, San Jose del Monte CPS, 1st at 2nd PMFC, 301st MC RMFB3, 24th Special Action Company (SAF), PHPT Bulacan at 3rd SOU-Maritime Group, nasukol ang tatlong indibidwal na matagal nang pinaghahanap ng batas.
Kinilala ang mga naarestong akusadong sina Joselito Mariñas ng Brgy. Tiaong, Baliuag na may kasong Rape; Eduardo Gallardo ng Brgy. Bagong Buhay E, San Jose del Monte para sa Sexual Assault kaugnay sa Sec 5(b) ng RA 7610 (Anti-Child Abuse Law); at Rodel Faustino, alyas Ponga ng Brgy. Bagong Barrio, Pandi sa paglabag sa Municipal Ordinance 2003-13 (Anti-Littering Ordinance).
Kasalukuyang nasa ilalim ng kustodiya ng kani-kanilang arresting unit at police station ang mga suspek para sa naaangkop na disposisyon.
(MICKA BAUTISTA)