SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
INAMIN ni Sen. Lito Lapid na siya ang nagbigay ng pangalang Pinuno sa partylist na kanyang sinusuportahan. Pinuno ang bansag kay Sen. Lito sa karakter na ginampanan niya sa FPJ’s Ang Probinsyano na sumikat naman talaga.
Pero nilinaw ng senador na hindi siya ang first nominee nito dahil senador pa rin siya hanggang 2025. Malaki lamang ang simpatya niya at paniniwala sa first nominee nitong si Howard Guintu kaya kaisa siya sa pangangampanya para sa Pinuno Partylist na no 38 sa balota.
Ani Sen. Lito, naniniwala siya sa magandang layunin ng grupo, ang pabahay para sa mahihirap.
Sinabi rin ni Guintu na layunin nila na mabigyan lahat ng matibay na bahay ang bawat mamamayan na hindi kayang igupo ng bagyo.
At bagamat may ahensiyang nangangasiwa para sa pabahay sa mahihirap, hindi naman daw natutugunan lahat iyon. Kaya naisip nilang bumuo ng partylist na mas mabilis makapagbibigay o agad na tutugon sa pabahay lalo na sa talagang mga nangangailangan sa buong Pilipinas.
Bukod sa pangangampanya sa party-list, abala rin si Sen. Lito sa shooting ng pelikulang Apag kasama si Coco Martin na idinidirehe ni Brillante Mendoza.
Hindi itinago ng senador ang excitement sa muling paggawa ng pelikula lalo’t si Brillante ang magdidirehe. Matagal na pala kasi niyang pangarap na makatrabaho ang premyadong direktor at sabik na rin siyang magbalik-showbiz.
Sa kabilang banda, iginiit ng senador na marami na siyang naipasang batas hindi lamang nga iyon napapaingay. Ito’y sagot ni Sen. Lito sa mga basher na mababa ang tingin sa tulad niyang artistang Senador.
Anang senador, wala siyang social media account at hindi niya pinapatulan ang mga basher.
“Marami namang magagaling na artista na politiko. Siguro, isa ako sa kinukutya dahil hindi naman ako nakapag-aral. Dahil high-school graduate lang ako, ‘di ako marunong mag-Ingles at hindi ako marunong makipag-debate sa mga magagaling dahil puro abogado ‘yun.
“Pero kung sa experience, may karapatan naman na ako dahil 30 yrs na akong nanunungkulan bilang public servant.
“Nakakatatlong term na ako sa Senado. Bihira ho ang maka-tatlong term or second term na mananalo ka bilang Senador kung wala kang ginawa na mabuti sa Senado. Malalaman naman ng tao kung may ginagawa ka o wala,” giit ng senador.
Kasama ni Sen. Lito na nag-eendoso kay Guintu ang anak nitong si Mark na sampalataya ring makapaglilingkod ng tapat ang first nominee ng Pinuno Partylist.