NAGWAKAS ang maliligayang araw ng isang kilabot na holdaper nang masabat at maaresto ng mga awtoridad sa Oplan Sita sa Brgy. Bigte, bayan ng Norzagaray, lalawigan ng Bulacan, nitong Sabado ng gabi, 4 Disyembre.
Sa ulat na ipinadala ni P/Lt. Col. Cresenciano Cordero, acting chief of police ng Norzagaray Municipal Police Station (MPS), kay P/Col. Manuel Lukban, Jr., provincial director ng Bulacan PPO, kinilala ang suspek na si Donald Tayao, residente sa Brgy. Minuyan, sa lungsod ng San Jose del Monte, ng nabanggit na lalawigan.
Nadakip si Tayao ng mga tauhan ng Norzagaray MPS at mga barangay sa inilatag na Oplan Sita habang gumagala upang muling mambiktima sa Brgy. Bigte, sa naturang bayan, kamakawala ng gabi.
Nakompiska mula sa suspek ang isang pakete ng hinihinalang shabu, isang itim na laruang baril na nakasukbit sa baywang na ginagamit sa panghoholdap, at motorsiklo.
Itinuro si Tayao na responsable sa sunod-sunod na panghoholdap sa Brgy. Bigte, at maraming reklamong nakarating sa tanggapan ng Norzagaray MPS kaya naglatag ng Oplan Sita na nagresulta sa pagkaaresto sa suspek.
(MICKA BAUTISTA)