NASAKOTE ang isang babae ng National Bureau of Investigation (NBI) matapos mahulihan ng pinaniniwalaang nakaw na sports utility vehicle (SUV) sa isang talyer sa lungsod ng Meycauayan, lalawigan ng Bulacan.
Kinilala ang suspek na si Mary Jean Aranas, dinakip ng mga awtordiad nang bigong magpakita ng dokumentong magpapatunay na kanyang pag-aari ang sasakyang dala-dala sa isang talyer.
Ayon sa NBI, noong 19 Nobyembre ay may isang lalaki ang nagpaalam upang i-test drive ang SUV na pagmamay-ari ng isang 72-anyos overseas Filipino worker (OFW).
Ngunit tuluyan umano itong tinangay at hindi na ibinalik sa may-ari matapos rentahan kaya nagreklamo ang matanda sa mga awtoridad.
Paliwanag ni Aranas sa NBI, ipinagpalit lamang niya ang kanyang sariling sasakyan sa naturang SUV na hindi niya raw alam ay isang “hot car.”
Ayon kay NBI Region 3 Assistant Regional Director Noel Bocaling, walang maipakitang dokumento si Aranas na nag-‘swap’ sila at hindi man siya ang kumuha ng sasakyan, ‘constructively in possession’ niya ang sasakyan.
Dagdag ni Bocaling, sa ilalim ng umiiral na batas, siya ang may pananagutan sa ninakaw na sasakyan dahil ginagamit niya ito.
Depensa ng abogado ng suspek na kinilalang si Atty. Mark Carrido, walang carnapping na naganap at naipit lamang ang kaniyang kliyente sa nangyari.
“Definitely she is innocent and we have evidence na may receipt, na nagbabayad itong kliyente ko. Napatunuyan umano ng fiscal’s office na walang carnapping na nangyari kaya paglabag sa anti-fencing law ang ikinaso sa suspek,” ani Carrido.
(MICKA BAUTISTA)