ARESTADO ang apat katao nang mahuli sa akto ng mga awtoridad habang nasa kainitan ng pagsusugal sa bayan ng Bamban, lalawigan ng Tarlac, nitong Martes ng tanghali, 30 Nobyembre.
Batay sa ulat ni P/Maj. Edward Castulo, OIC ng Bamban Municipal Police Station (MPS), nakatanggap sila ng impormasyon mula sa mapagkakatiwalaang impormante na may grupo ng mga indibiduwal ang kasalukuyang nasa kasagsagan ng pagsusugal.
Agad naglunsad ang operating troops ng Bamban MPS ng anti-illegal gambling operation na nagresulta sa pagkakadakip ng apat na suspek na pawang mga residente sa Sitio Mainang, Brgy. San Nicolas, sa nabanggit na bayan.
Naaktohan ang mga suspek sa pagsusugal ng ‘Cuajo’ saka sila dinakip at kinompiska ang isang isang kubyerta (deck) ng baraha at tayang pera na halagang P400.
Ayon kay P/Col. Erwin Sanque, acting provincial director ng Tarlac PPO, posibleng hindi ito maisasakatuparan kung wala ang aktibong suporta ng komunidad.
Patunay umano na sa pagtutulungan ng komunidad at ng mga awtoridad, ang kawalan ng batas ay walang lugar sa Tarlac. (MICKA BAUTISTA)