DINAKIP ng mga awtoridad ang dalawang lalaking may kasong pang-aabuso gayondin ang tatlong hinihinalang drug users, at tatlong pugante sa magkakahiwalay na operasyon ng pulisya sa lalawigan ng Bulacan, nitong Miyerkoles, 24 Nobyembre.
Sa ulat na ipinadala kay P/Col. Manuel Lukban. Jr., acting provincial director ng Bulacan PNP, kinilala ang dalawang suspek sa pang-aabuso na sina Dionne Silvestre, alyas Toto, ng Brgy. Batia, Bocaue na inaresto ng mga tauhan ng Bocaue MPS sa mga kasong Child Abuse at Illegal Possession of Deadly Weapon; at Renz Dacoron ng Brgy. Loma de Gato, Marilao, arestado ng Marilao MPS sa kasong paglabag sa RA 9262 o Anti Violence Against Women and Their Children.
Kasunod nito, nasakote ang tatlong hinihinalang drug users sa ikinasang drug sting ng mga operatiba ng Meycauayan CPS na kinilalang sina Carlito Gacayan, alyas Dong, Jacinto Peter Salve, alyas Dudong, at isang hindi pinangalanang CICL (child in conflict with the law), pawang mga residente sa Brgy. 175, Camarin, Caloocan.
Nabatid na naaktohan ang mga suspek sa isang pot session sa Brgy. Bahay Pare, Meycauayan, kung saan nasamsam ang mga tuyong dahon ng marijuana at improvised glass pipe.
Dinala ang mga suspek at mga nakompiskang piraso ng ebidensiya sa Bulacan Crime Laboratory para sa naaangkop na pagsusuri.
Gayondin, sa inilatag na manhunt operations ng San Ildefonso MPS, San Miguel MPS, Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), at Plaridel MPS, naaresto ang tatlong wanted persons na kinilalang sina Contessa Cordova ng Brgy. Pinaod, San Ildefonso, may kasong Estafa; Gribben Salazar ng Bgry. Banga 1st, Plaridel sa paglabag sa RA 9262; at Reggie Lauriaga ng Brgy. Poblacion, San Miguel para sa Acts of Lasciviousness.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng kani-kanilang arresting unit/station ang mga suspek para sa kaukulang disposisyon. (MICKA BAUTISTA)