HATAW News Team
LUMABAS sa isang pagsusuri na si Partido Reporma chairman at standard-bearer Panfilo “Ping” Lacson ang may pinakamaraming tunay at lehitimong follower sa Twitter, ayon sa random bot analysis at independent monitoring na ginawa ng isang Reddit user.
Gamit ang sample size na 5,000 account mula sa 44,155 followers ni Lacson sa kanyang verified personal Twitter account (@iampinglacson), nadiskubre ng Reddit user na may code name na ‘PancitLucban’ na si Lacson ang may ‘most organic following’ o hindi artipisyal na engagement mula sa kanyang mga follower, kompara sa apat na iba pang presidential aspirant.
Sinuri rin ni PancitLucban, gamit ang mga online digital tool, ang presensiya sa social media nina Vice President Maria Leonor “Leni” Robredo, Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso, at dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., sa nasabing microblogging platform.
Ang proseso ng pagpili ay random gamit ang SurveyMonkey at Tweepy upang makuha at maiorganisa ang mga datos mula sa application program interface ng Twitter. Ginamit naman ang Botometer software para maihiwalay ang mga bot, pinaikli para sa robot o computer program, mula sa totoong account.
“Botometer uses Complete Automation Probability (CAP ) to visualize and analyze account behavior. To put it simply, this is the variable they use to determine a ‘bot score,’” Paliwanag ni PancitLucban sa kanyang report.
Sa kanyang pagsusuri, nag-set ng 90 porsiyentong CAP ang Reddit user, na nagresulta ng 9.08 porsiyento ng Twitter bot follower para kay Lacson at 2.77 porsiyento naman kung naka-set sa 95 porsiyento ang CAP.
Nangangahulugan ito na malaking bilang o karamihan sa kanyang mga follower ay organic o lehitimong account.
Iba-iba naman ang naging resulta mula sa tatlong iba pang presidential aspirants. Si Robredo (@lenirobredo) ay may 628.3K followers, si Moreno (@IskoMoreno) ay may 934.4K followers, habang si Marcos, Jr., (@bongbongmarcos) ay may 957.9K followers.
Sa kanilang tatlo, si Moreno umano ang may pinakamaraming bilang ng ‘sleeper’ follower o bot, ayon sa nasabing pagsusuri. Nakapagrehistro ito ng 10.94 porsiyento ng bot score sa 90 porsiyentong CAP at 23.88 porsiyento naman ng mga bot sa 95 porsiyento ng CAP.
Tulad umano ng inaasahan, sa mas malalim na ebalwasyon ay mga bot para kay Marcos, Jr., ang may pinakasopistikado at kayang magaya ang gawi ng isang tao. Mayroon itong 17.56 porsiyento ng bot score sa 90 porsiyentong CAP at 7.47 porsiyento naman sa sa 95 porsiyento ng CAP.
Sinabi ni PancitLucban na halos magkapantay sina Marcos, Jr., at Robredo pagdating sa pagkakaroon ng mga pekeng follower base sa kanyang pagsusuri. Gayonman, ang bise presidente ay may mas maraming organic follower sa kanilang dalawa, ngunit karamihan dito ay mga private account.
Hindi bababa sa 11.75 porsiyento ng mga bot ang nag-follow kay Robredo sa 90 porsiyento ng CAP at 4.93 porsiyento naman sa 95 porsiyento ng CAP, ayon kay PancitLucban. Binanggit niya na ang mga sample size na ginamit sa pag-analisa ng Twitter presence ng apat na presidential aspirants ay masyadong maliit kaya ito ay limitado.
“Just to clarify, I just picked up the bot [analyses] from another author and collated [them] as an informal narrative report of sorts. Am hopeful that the effort by the author can birth other projects like this,” sabi ni PancitLucban sa Partido Reporma sa isang pribadong mensahe.
“Everything used in the study is open source so there’s a lot of potential. No funds needed just effort by the right people,” dagdag ng Reddit.
Wala pang datos sa Twitter analytics para sa dalawang iba pang presidential aspirant na sina Senator Manny Pacquiao at labor leader Leody de Guzman.
Si Pacquiao ang may pinakamaraming follower (2.6 milyon) sa Twitter sa lahat ng mga presidential bet, na pinalakas ng kanyang pagiging worldwide celebrity bilang boxing icon. Habang si De Guzman ay may 19.4K follower bagaman hindi pa verified ang kanyang account.
Samantala, si presidential daughter at incumbent Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio, na sasabak sa VP race, ay walang Twitter account pero aktibo sa Facebook at Instagram.