HATAWAN
ni Ed de Leon
KAHIT na sinasabing malamang na ang NCR ay malagay na sa alert level 1 pagdating ng Disyembre, ibig sabihin ang mga sinehan ay maaari nang magpapasok ng 100% audience, tila matamlay pa rin ang Metro Manila Film Festival. Wala kang mararamdamang excitement sa mga tao, kasi ang mga kasali nga ay puro mga pelikulang indie, na maliliit lamang ang mga artista.
Isa lang ang box office star na may pelikula sa festival, si Daniel Padilla, at ang pelikula niya ay naka-ikot na sa mga festival sa abroad, pero ang pelikula ay Bisaya. Hindi namin alam kung nalagyan nila ng subtitles na Tagallg, pero ang Pinoy audience, tamad na magbasa ng subtitles eh.
Dahil nga puro indie, ang promo ng mga pelikula ay style indie rin, ibig sabihin ang publisidad nila ay nasa social media lamang. Hindi sila pumapasok sa lehitimong media dahil may gastos ang advertising sa mga iyon at hindi sila nakahanda sa ganoong gastos.
Kaya sigurado iyan, ang kalalabasan ng MMFF ay bagsak na naman kagaya noong taong pinasukan nila ang festival ng puro indie.
Sa hirap ng buhay ngayon, na ang tao ay ngayon lang nakababalik sa trabaho, at nagbabayad pa ng utang dahil dalawang taon silang nganga sa bahay, gagastos ba ng tatlong daan sa sinehan ang mga iyan? Isa pa, wala namang makapapasok sa sinehan na hindi bakunado, at maliban sa NCR na mataas ang bilang ng nabakunahan, sa buong Pilipinas, nasa 30% pa lamang ang bakunado, kaya practically 30% lang ang maaaring manood ng sine.
Kagaya rin ng nangyari noong puro indie ang kasali sa festival, maliban sa Metro Manila na obligado ang lahat ng sinehan na sumali sa festival, hindi nakisama ang provincial cinemas at ang inilabas nila noon ay pelikula pa rin nina Vice Ganda at Vic Sotto. Ngayon ganyan din, tiyak na ang mga sinehan sa labas ng MetroBManila, maglalabas ng mga foreign film para mas kumita sila.
Ano ang maaasahan natin sa festival sa Disyembre? Sa tingin namin ay wala. Karamihan kasi riyan ginawa lamang na pang-cable o pang-internet. Wala kang masasabing ginawang big time talaga para sa MMFF kagaya ng nakagawian na noong araw.