ni ROSE NOVENARIO
INAPROBHAN ng Court of Appeals (CA) ang apela ni Nobel Peace Prize winner Maria Ressa na makalabas ng bansa dahil kinakailangan ang kagyat at personal na pagdalo niya sa serye ng panayam sa Harvard Kennedy School sa Boston, Massachusetts.
Ipinaliwanag ng appellate court na ang dating pagbasura sa “motion to travel abroad” ni Ressa ay bunsod ng pagkabigo niyang patunayan na kinakailangan at kagyat ang dahilan ng kanyang biyahe.
“The previous denial of Ressa’s similar Motions is inconsequential to this present Urgent Motion to Travel Abroad. Nevertheless, it is important to emphasize that the previous Motions were denied because Ressa failed to prove the necessity and urgency of her supposed travels,” sabi sa CA resolution.
Ibinasura ng CA noong Agosto 2020 ang hirit ni Ressa na dumalo sa ilang pagtitipon sa Amerika gaya nang paggawad ng karangalan ng National Press Club at panel discussions sa isang documentary hinggil sa kanya.
Hindi rin pinaboran ng appellate court noong Disyembre 2020 ang kahilingan ni Ressa na bisitahin ang inang maysakit.
Bukod sa pagpunta sa panayam, nakasaad sa pinakahuling motion ni Ressa na nais niyang dalawin ang kanyang mga magulang sa Florida na pinagbigyan ng CA dahil sa humanitarian reason.
“Certainly, one’s legitimate intention to be reunited with her/his parents cannot be doubted,” anang CA.
Ayon sa CA, napatunayan ni Ressa na hindi siya flight risk.
“While Ressa’s conviction charges her situation and warrants the exercise of greater caution in allowing her to leave the Philippines, her undisputed compliance with the conditions imposed by the court a quo on her previous travels shows that she is not a flight risk,” saad sa CA resolution.
Itinakda ng CA ang travel period mula 31 Oktubre hanggang 2 Disyembre 2021 at batay lamang sa mga pakay na binanggit ni Ressa. Pinaglagak siya ng P500,000 travel cash bond ng hukuman.
Pinagsusumite rin siya ng appellate court ng updated itinerary, kabilang ang biyahe sa Florida at kailangang magsumite ng liham sa CA kapag nakabalik na ng bansa.
Matatandaang nahatulang guilty sa cyber libel case si Ressa noong Hunyo 2020 na isinampa ng negosyanteng si Wilfredo Keng.