USAPING BAYAN
ni Rev. Fr. Nelson Flores, MSCK, JD.
ALAM ba ninyo na ang ating Panginoong Hesukristo ay hindi nagtayo ng relihiyon? Ang nangyari ay nabuo ang isang uri ng pamumuhay dahil sa kanyang mga katuruan na pilit sinusundan ng bilyong tao ngayon. Hindi rin siya Kristiyano bagkus siya ay naniniwala sa Judaismo, isang relihiyon ng mga Hudyo na sumusunod sa nag-iisang Diyos ni Abraham.
Dahil iniuugat ng mga Katoliko (Romano man o hindi) at ng mga protestanteng sekta (Lutheran, Methodist, Baptist at Evangelical etc…) ang kanilang pananampalataya kay Hesus, marami ang nag-aakala sa ngayon na ang Kristiyanismo ay itinatag ng Panginoong Hesus lalo na’t ang kanyang mga tagasunod ay tinatawag na Kristiyano. Nawaglit sa kaalaman ng karamihan na ang Kristiyanismo ay lumaganap lamang matapos mapako ang Panginoong Hesus sa krus at ito ay naging isa sa malalaking sekta ng Judaismo.
Dapat din nating malaman na bukod sa Kristiyanismo, ang ilan sa mga sekta ng Judaismo ay ang mga sumusunod:
• Pariseo – eto umano ‘yung mga estriktong nagpapatupad ng kodigo ng mga Hudyo sa loob at labas ng templo. Sila ang pinakamataas na awtoridad pagdating sa pagsasabuhay ng relihiyon (pinagdedebatehan pa ito) at sila umano ang ugat ng Rabbinic Judaism na isinasabuhay ng mga relihiyosong Hudyo ngayon;
• Zealots – eto ‘yung mga militante na nag-aklas laban sa Roma, dahilan para wasakin ng Imperyong Romano ang templo ng mga Israelita noong 70 AD. Ito ang naging ugat ng pagkakawatak-watak ng mga Hudyo hanggang ngayong ika-20 siglo;
• Essenes – eto ‘yung mga ermitanyo, mystiko at librarian na namumuhay sa mga baseng komunidad sa disyerto tulad ng Qumran. Sila umano ang tagapag-ingat noong tinatawag na “Dead Sea Scroll;”
• Saduceo – mayayaman at elitistang nangangalaga ng templo. Sila ay mga ritwalista at politiko.
Ayon sa mga nag-aral ng masinsin sa teolohiya at katuruan ng Panginoong Hesus, siya ay pinakamalapit sa mga Essenes kundi man siya tuwirang naging miyembro nito. Ang mga Essenes ang nagbigay halimbawa kung paano mamuhay bilang organisadong komunidad at ang mga kaalaman mula sa ganitong pamumuhay ang ibinahagi ng Panginoong Hesus sa loob ng ilang taon niyang paglilingkod o ministry.
Mahalagang maunawaan natin na bago at matapos magkaroon ng mga Kristiyano, si Hesus ay sumasamba sa templo ng Judaismo sa Herusalem, isang kaugalian na ipinagpatuloy ng kanyang mga tagasunod o apostoles hanggang taong 70 AD., kung kailan nag-alsa ang mga Hudyo laban sa Imperyong Romano.
Matapos wasakin ng mga Romano ang templo ng mga Hudyo noong 70 AD, mga tatlong dekada matapos maipako sa krus ang Poong Hesus, ay naging malabo na ang kuwento kung ano ang nangyari at bakit napahiwalay ang mga Kristiyano sa mga Hudyo at Judaismo. Marahil ito ay dahil naging dominante ang bilang ng mga Gentil kompara sa mga Hudyo na sumusunod kay Hesus. Malaki ang naging papel ni Saul ng Tarsus o San Pablo sa kaganapang ito dahil siya ang nagpakilala kay Hesukristo sa mga Gentil na tulad natin.
Malinaw na pagdating ng konseho ng Nicea noong 325 AD ay hiwalay nang tuluyan ang mga Kristiyano at Hudyo na naniniwala sa Judaismo. Ang konseho ay pinangunahan ng Romanong Emperador na si Constantine at nilahukan ng mga ama at doktor ng Kristiyanismo sa panahong ito (mula pa noong 110AD) ay tinatawag na Simbahang Katoliko. Sa mga panahong ito nabuo ang Bagong Tipan bilang susog sa Lumang Tipan ng Biblia.
Maraming kaugalian ng mga Hudyo ang tinalikuran ng mga Kristiyano. Ang ilang halimbawa nito ay ang hindi pagkain ng baboy, ng dugo, ang sapilitang pagpapatuli, ang paglalaan ng Sabado bilang Araw ng Pagsamba, pagbabawal gumawa sa Araw ng Pagsamba at ang paglilipat ng Araw ng Pagsamba mula Sabado tungo sa Linggo. Dito na rin sa mga panahong ito nag-umpisang usigin ng mga Kristiyano ang mga Hudyo dahil sa kanilang pasyang ipapako sa krus si Hesus.
* * *
Isang paglilinaw
Ang pangalan ng ating poon ay Hesus at hindi Kristo. Ang Kristo, na ang ibig sabihin ay tagapagpalaya, sugo o mesaiah ay isang titulo na ibinigay kay Hesus ng kanyang mga tagasunod matapos siyang ipapako sa krus ng mga Hudyo.
Bukod dito, dapat nating malaman na ang pangalang Yeshua, Hesus, Joshua o Jesus ay iisa lamang. Ito ay isang popular na pangalan noon sa mga lugar kung saan kumilos at naglingkod sa mahihirap, pinagkakaitan at inaapi ang ating Panginoon.
Dapat din nating malaman na ang Panginoong Hesus ay hindi matangkad na may maputing kutis at may asul na mata at ginintuang buhok na parang kanluranin tulad ng mga imahen na nakikita natin ngayon. Siya ay mukhang taga-Gitnang Silangan, isang Asyano na mukhang Arabo o Palestino.