Sunday , December 22 2024

‘No jab, no work, no pay’

FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.

SA LOOB ng mahigit isang linggo, nalito tayo sa mga naging pahayag ni Labor Secretary Silvestre Bello III. Sa buong panahon ng pandemya, pinaniwala niya ang lahat na siya ang pangunahing nagpoprotekta sa mga manggagawa, paulit-ulit na tiniyak sa kanilang hindi maaapektohan ang kanilang trabaho kahit pa hindi sila magpabakuna. Inilinaw din ng kanyang undersecretary na ang pagsibak sa trabaho sa isang empleyado na tumangging magpabakuna ay hindi lamang “diskriminasyon” kundi “labag sa batas.”

Matagal nang naninindigan ang kanyang tanggapan, iginiit na karapatan ng isang empleyado na mamili kung nais niyang mabakunahan at binigyang-diin pa na walang sinuman sa gobyerno o sa kompanya ang nag-oobliga ng pagbabakuna sa mga manggagawa. Sa parehong pahayag, nagbabala si Bello na hindi dapat pilitin ng employers ang mga nag-a-apply ng trabaho na magpresinta ng vaccination cards sa parehong dahilan.

Gayunman, walang isa man sa mga pahayag na ito ang ramdam sa aktuwal na nangyayari sa mga kompanya, tulad ng pagpapatupad ng polisiyang “no jab, no pay.” Muli, pinayapa ni Bello ang mga empleyado sa pagtukoy sa naunang Labor Advisory 03-21 noong Marso, kung saan nakasaad na “no vaccine, no work policy shall not be allowed.”

Naniwala ang puwersa ng mga manggagawang Filipino sa sinabing ito ng ating Labor Secretary hanggang inilinaw niya nitong weekend kung ano talaga ang gusto niyang sabihin – na ang mga employers sa ilang partikular na industriya ay pinapahintulutang pagpahingahin ang isang empleyadong hindi bakunado, sabihan ang manggagawang iyon na huwag pumasok sa trabaho, at siyempre pa, awtomatikong hindi tatanggap ng suweldo dahil sa hindi pagtatrabaho.

Sa paglilinaw niyang ito, ginamit ni Bello ang “exception to the rule” ng Inter-Agency Task Force (IATF), na may listahan ng mga establisimiyentong maaaring magbukas sa ilalim ng Alert Level 3, “basta ang lahat ng empleyado nito ay kompleto ang bakuna laban sa CoVid-19.” Isa iyong napakahabang listahan ng mga negosyo na kinabibilangan ng mga restaurants, barberya, salons, spa, sinehan, gyms, sports facilities, internet cafes, higher education institutions, film at television studios, hotels, tourist attractions, at iba pang kaparehong venues.

Ang pinag-uusapan natin, kung gayon, ay isang napakahabang listahan ng mga manggagawa, mula sa mga cooks at waiters, hanggang sa mga guro at gym instructors, barbero, hairdressers at masahista, aktor, direktor at production assistants, technicians, janitors, cashiers, office clerks, at napakaraming iba pa na pasok sa sinasabi ni Bello na “exception to the rule.”

Sabihin na nating totoo ang sinabi ni Bello na walang manggagawang tatanggalin sa trabaho, pero dahil sa hindi pagpapabakuna ay maaari silang atasang huwag pumasok sa trabaho, na nangangahulugang hindi sila maaaring sumuweldo. Hindi ba’t wala naman iyong ipinagkaiba sa walang trabaho, Mr. Secretary? Paanong walang problema, kung ganoon?

Paano n’yo nasasabing hindi n’yo kukunsintihin ang ganitong patakaran ng mga employers, maliban na lamang kung ang pinagtatrabahuan ay may exception?

Sa halip na papaniwalain kami sa mga walang silbing labor advisories, sana ay sinabi na lang ni Sec. Bello sa mga apektadong manggagawa ang totoo, ‘tsaka nagtakda ng mga kinakailangang interventions. Nagkasa na lang sana ang DOLE ng kampanya laban sa pag-aalangan sa bakuna sa mga empleyado ng mga restaurant at hotel, tourist areas, malls, at commercial areas kung saan ang mga manggagawang hindi nabakunahan ay hindi maaapektohan.

Pupuwede rin magpatupad ang kagawaran ng relief at livelihood assistance o alternatibong pagkakakitaan para sa mga manggagawang piniling huwag magpabakuna dahil sa personal na dahilan.

Bilang pinuno ng kagawaran sa paggawa, dapat na inaksiyonan na lang ni Bello ang problema kaysa litohin ang mga manggagawang walang bakuna sa pamamagitan ng pagkukubli ng katotohanan, na bilang bahagi ng pagtugon ng gobyerno sa pandemya, ipagkakait ang kanilang karapatang kumita ng kabuhayan. Sabihin na lang kasi: “No jab, no work, no pay.”

*              *              *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.

About Robert B. Roque, Jr.

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …