BULABUGIN
ni Jerry Yap
NEWSMAKER talaga si Davao City Mayor Sara Duterte, at sa palagay natin, ay lagi siyang aabatan ng media, at ang bawat kilos niya ay mapupuno ng espekulasyon hangga’t hindi natatapos ang 15 Nobyembre 2021 — ang huling araw ng substitusyon ng mga kandidato.
Siyempre, nangyayari ito, dahil sa ginawa ng erpat niya noong 2016 elections nang mag-substitute sa kandidatura ni dating Quezon City barangay chairman Martin Diño bilang presidente.
Marami ang naniniwala na magta-tandem sina dating senador Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., (BBM) at Mayor Sara para sa May 2022 elections.
Gaya nitong, magkita sa Cebu ang kampo nina Mayor Sara at ang grupong BBM kasama si Senator Imee Marcos.
Agad humiging ang bulungan lalo sa hanay ng mga urot ni Mayor Sara, na mukhang magsasara na ng usapan ang mga Duterte at ang mga Marcos.
Pero hindi raw totoo iyon…
Sa halip, ang piniling suportahan ni Mayor Sara at ng kanyang regional party Hugpong ng Pagbabago (HNP) sa 2022 presidential elections ay si Bongbong.
Inamin mismo ni Sara, tinalakay umano nila kung paano makatutulong ang HNP sa presidential bid ni BBM.
“Ang amoa lang nga giistoryahan, nga sa pagkakaron is how HNP in Davao Region can help his bid for the presidency.”
‘Yan daw ang pahayag ni Mayor Sara sa Cebu media. Hindi aniya nila napag-usapan ang posibilidad ng Marcos – Duterte (BONG-SA) o Duterte – Marcos (SA-BONG) tandem. “Wala pa’y istorya mahitungod niana.”
Matatandaang ipinaskil ni Sara sa social media ang mga larawan ng pulong nila nina Bongbong at Sen. Imee Marcos sa Cebu City nang dumalo sila sa birthday celebration ng asawa ni House Majority Leader Martin Romualdez na si Tingog partylist Rep. Yedda Romualdez.
Kung magkakaroon ng kasunduan ang dalawa na magta-tandem sila, sino ang magpaparaya? Si BBM ba ang bababa para maging bise? Naku ayaw ni ate at ni attorney ‘yan!
Kung si Sara naman ang magbi-bise, malabo naman sigurong i-substitute niya si Senator Bong Go, dahil noon pa’y nagpahayag siyang ayaw niya sa PDP Laban (Cusi faction man ‘yan o Pacman’s group?).
Anyway, alam nating hindi pa payapa ang mga alon sa dagat ng politika at eleksiyon sa Filipinas hangga’t hindi natatapos ang 15 Nobyembre. Abangan!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com