HATAWAN
ni Ed de Leon
MAGKASAMA ang dating mag-asawang sina Rey PJ Abellana at Rea Reyes, sa paghahatid sa kanilang pangalawang anak na si Carla Abellana sa altar. Ikinasal na si Carla sa kanyang long time boyfriend na si Tom Rodriguez, na kasama naman ang kanyang inang si Teresita Mott malapit sa altar. Apat na taon na kasing namayapa ang tatay ni Tom na si William Mott, kaya ang ina na lang niya ang kasama.
Ang kasal ay pinangunahan ni Bishop Ted Bacani, ang bishop emeritus ng Diocese of Novaliches sa Madre de Dios chapels sa Midland, Tagaytay. Ang chapel ay nasa ilalim ng pamamahala ng Parokya ng San Guillermo, sa Talisay, Batangas, na maire-record ang ginanap na kasalan.
Nasunod naman ang social distancing, dahil kakaunti lang naman ang kanilang mga bisita, at iyong chapel namang iyon ay nasa loob ng exclusive na Tagaytay Highlands na hindi napapasok ng mga mag-uusyoso lang. Ang nakakapasok lang doon ay mga residente o kaya ay members ng kanilang golf club na matatagpuan din sa loob.
Sinasabing hindi nakarating ang ilang inaasahan sa kasal. Siguro ay dahil abala rin sila, at sa totoo lang matraffic ang papunta sa Tagaytay kung weekends, lalo na ngayong medyo nagluwag na sa quarantine. Maraming umaakyat sa Tagaytay kung weekends para sa pamamasyal o staycation pa kung minsan.
Dahil ginawa nga nilang pribado talaga ang kanilang kasal, naging mabilis naman ang kinuha nilang grupo para gumawa ng documentation sa pamamagitan ng pictures at video na mai-share iyon sa media at sa fans na rin na inilagay nila sa Abellana-Mott Nuptials page na inilagay sa iba’t ibang social media platforms. Ang dami rin namang fans nila na mabilis na nag-share ng mga picture sa sarili nilang social media account para makita ng iba pa nilang kaibigan.
Dahil sa ganyang sistema, hindi na nga mahirap ang coverage ng kasal. Hindi kasi namin makalimutan ang hirap at pagod namin doon sa coverage ng kasal noon nina Ate Vi (Congw. Vilma Santos at Senator Ralph Recto, na ginanap doon sa katedral ng Lipa, sa Batangas. Kailangan naming kausapin ang isang botikang may telepono sa tapat ng katedral, ikinabit namin doon ang fax machine na dala namin, para maipadala namin ng tuloy-tuloy ang running story. Tapos may nakaabang na sasakyan, para kunin ang bawat rolyo ng negatibo ng mga kuha naming pictures ni Tony Tantay, para mai-rush pabalik ng Maynila. Hindi pa uso at wala pang e-mail sa Pilipinas noon. Wala pa ring digital camera. Ngayon dahil sa makabagong teknolohiya, lahat ay easy-easy na lang.