Rated R
ni Rommel Gonzales
MATAPOS ang hiwalayan nila ni Derek Ramsay last year, kinompirma ni Andrea Torres na nakikipag-date na siyang muli.
Sa panayam sa kanya ng 24 Oras, umamin ang Legal Wife female lead na lumalabas siya on dates.
“Bago mag-last ECQ, lumalabas-labas na rin ako. Open na ako to meet other people,” pahayag ni Andrea.
Sinabi rin ng dalaga na “nagpahinga” muna siya sa pakikipag-date matapos ang break-up nila ni Derek para na rin sa kanyang kalusugan at kaligtasan laban sa pandemya ng COVID-19.
Ibinahagi rin ang aktres na mahalaga ang pagmu-move on mula sa isang natapos na relasyon.
“ Nanggagaling ’yon sa heart. Choice mo nang i-let go,” sinabi pa ni Andrea.
Hindi na inihayag ni Andrea kung sino ang mapalad na lalaki na nakaka-date niya recently. Malamang, kapag may relasyon na sila ay ipaaalam naman ito ng aktres sa publiko, lalo na sa kanyang mga tagahanga.