TALIWAS sa inaasahan ay napakaliit na bilang lamang ng mga subscriber ang nagpalit ng network sa ilalim ng tinatawag na MNP o mobile number portability.
Marami ang nag-akala na malaking bilang ng mga subscriber ng Philippine Long Distance Telephone Co. -Smart Communications at Globe Telecom ang lilipat sa Dito Telecommunity Corp., ang third telco player sa bansa, sa gitna ng kaliwa’t kanang promo na iniaalok ng kompanya na mas mura at mas mabilis na internet.
Ngunit ang Telecommunications Connectivity Inc. (TCI), ang joint venture company ng telcos na naatasang mangasiwa sa MNP, isang sistema na ang isang subscriber mula sa isang telco ay maaaring lumipat sa iba dala ang parehong mobile number, ay nakapagtala lamang ng 800 take ups.
Ang nasabing bilang ay lubhang mababa kompara sa pagtaya ni TCI head Melanie Manuel na may isang milyong subscribers ang inaasahang magpapalit ng network nang ilunsad niya ang MNP na isinabatas at sinimulang ipatupad noong 30 Setyembre 2021.
Ginawa ni Manuel, graduate ng Industrial Engineering mula sa University of Santo Tomas at dating konektado sa Philippine Long Distance Telephone Co., ang pagtaya sa MNP take ups noong nakaraang Hulyo.
Sa isang television interview, sinabi ni Manuel na 800 ang lumipat sa Dito mula sa subscriber base na may kabuuang 100 milyon.
Ang mobile switching ay inaasahang magpapataas sa bilang ng subscribers ng Dito.
Target ng third telco player na maakit ang Globe at Smart subscribers at makuha ang kahit 30% ng total market share sa mga unang taon ng operasyon nito. Katumbas ito ng 20-25 milyong customers.
Hanggang 19 Oktubre 2021, ang price share ng Dito ay P7.09 kompara sa P3,108 ng Globe at sa P1,620 ng PLDT.
Ang TCI, ayon sa by laws nito, ang industry body na reresolba sa mga reklamo na may kinalaman sa mobile switching.
Bumuo rin ito ng transfer protocol na maisasagawa ang pagpapalit sa loob ng apat na oras at ang isang mobile switcher ay maaaring muling lumipat sa ibang telco makalipas ang 60 araw.
Walang limit sa pagpapalit ng subscriber sa pagitan ng mga telco — Philippine Long Distance Telephone Co. – Smart Communications, Globe Telecom at Dito Telecommunity.