HATAWAN
ni Ed de Leon
MASYADONG busy na naman ang mga communication line ni Ate Vi (Congw. Vilma Santos) nitong mga nakaraang araw. Hindi mo maikakaila na napakaraming taong lumalapit sa kanya at humihingi ng pabor dahil kinikilala siyang isang maimpluwensiyang political figure, at malapit na ang eleksiyon. Kahit na maliwanag namang sinabi na nila kung sino ang susuportahan ng kanilang unified group na One Batangas, na kinikilala siyang leader, marami pa rin ang lumalapit na tumatakbo naman sa ibang national positions. Hindi natin maikakaila na isa sa mga probinsiya na may pinakamalaking bilang ng mga botante ang Batangas, at sino nga ba ang lalapitan mo kundi iyong unbeatable sa Batangas.
Marami ring tumatawag na nag-aalala, na baka raw may hindi magandang nararamdaman si Ate Vi, dahil hindi siya nakikita ng publiko sa mga political rally na inaasahan nilang naroroon siya. Wala naman pong sakit si Ate Vi. Malakas ang kanyang katawan. Naka-reverse isolation lang siya para sigurado nga namang hindi siya maaapektuhan ng Covid. Pambihira iyan eh, maski na sinaksakan ka na ng bakuna tatablan ka pa rin.
Pero nangingiti nga si Ate Vi sa pagsasabing sa ngayon ang mas maraming tumatawag sa kanya ay mga director, producers, at mga dating kasamahan sa showbusiness na ang tanong, kailan ba talaga siya magbabalik? Ngayon ay bubuksan na ang mga sinehan, at maganda lang ang chances ng isang pelikula, lalo na’t takot pang lumabas ang maraming tao at karamihan pa ay nagtitipid o walang trabaho. Kailangan nila ang isang artistang hindi matitiis na hindi mapanood ng mga tao, at isa nga riyan si Ate Vi.
Iyong ilang taong wala siyang ginawang pelikula, ang sinasabi ng mga observer, ay lalong nagpasabik sa publiko na mapanood siyang muli, kaya kung gagawa siya ng pelikula, tiyak dudumugin iyon sa mga sinehan. Dahil hindi rin naman siya agad makagagawa ng pelikula, baka oras na makagawa siya ng isa, medyo maluwag na rin ang safety protocols at mas marami na ang makapapasok sa mga sinehan.
Ang problema kahit na pinapayagan na ngang magbukas ang mga sinehan, marami pang theater owners na bantulot magbukas, dahil ang mga pelikulang ipinapasok sa kanila, puro low budget, ang artista ay puro starlet, at karamihan wala pang permit ng MTRCB dahil mahahalay nga.
Kaya ang tanong nila, ”kailan ba ninyo kami mabibigyan ng pelikula ni Vilma Santos. Eh kailan nga ba?”