FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.
NAKAAALIW ang mga palitan ng kuro-kuro sa social media ng Filipinas sa nakalipas na mga linggo, nagpalisaw-lisaw sa iba’t ibang direksiyon dahil sa sari-saring kaganapan sa bansa. Tinutukan nating lahat ang imbestigasyon ng Senado, ang sitwasyon ng CoVid-19 at lahat ng may kaugnayan dito, at siyempre pa, ang mga nais maging susunod na pangulo.
Kaya patawad kung hindi muna ako makikisawsaw sa mga nabanggit na isyu sa ngayon dahil sa isang pandaigdigang pangyayari na hindi ko, o ng mundo, maaaring balewalain. Sa hangganan ng ating teritoryong pangkaragatan, lumalala ang pinakamatinding tensiyon sa pagitan ng Taiwan at ng pinakamalaking bully ng Asya, ang China.
Sa loob ng limang araw noong nakaraang linggo, 142 Chinese warplanes ang lumipad sa himpapawid ng Taiwan, isang direktang paghamon na nagbunsod upang maghanda sa digmaan ang liderato at militar ng islang bansa.
Huwag iismolin, pero bagamat maliit ang Taiwan, ang puwersang militar nito ay higit na mas moderno at mas may laban sa paninirya ng China kompara sa ibang bansa sa Timog-Silangang Asya. Totoong ang China ang may pinakamalaking sandatahan sa bahaging ito ng mundo, pero hindi mag-isang kakasa ang Taiwan.
Ipinarating na ng foreign minister ng Taiwan sa mga demokratiko nitong kaalyado na handa na ito sa gera. Ngayong nakapuwesto na ang warships ng Amerika, Japan, at Britain sa pandaigdigang karagatang malapit dito, nagbabala si Taiwan President Tsai Ing-wen sa China na ang anomang gagawin nito ay magreresulta sa “catastrophic consequences” sa buong Asya.
At tama siya. Sakaling piliin ng China na makipagdigmaan sa Taiwan at kumasa sa labanan ang mga kapwa natin Western allies, hindi magtatagal at madadamay na tayo at ang mga kalapit-bansa natin sa Timog-Silangang Asya sa gerang hindi natin ginusto.
* * *
Saludo kay Maria Ressa ng Rappler sa pagtatala ng kasaysayan bilang kauna-unahang Filipino na ginawaran ng Nobel Peace Prize sa pamamahayag! Bagamat ang tagumpay niyang ito ay maikokompara sa pagwawagi ng weightlifter na si Hidilyn Diaz ng unang Olympic gold para sa bansa ngayong taon, nakabibingi ang pananahimik ng Malacañang sa pagkakataong ito.
Masasabing hindi kasi magandang balita ito para sa administrasyong Duterte, na nagpakakontrabida sa pagbibitbit ni Ressa ng sulo para sa malayang pamamahayag at pakikipagtagisan sa fake news at panggigipit sa media, partikular sa pag-uulat tungkol sa madugong gera kontra droga ng Pangulo.
Kaya huwag na tayong umasa ng kahit pasimpleng positibong reaksiyon mula sa Palasyo dahil sakali mang magbitiw ng “congratulations” ang tagapagsalita ng Presidente, parang inamin na rin nito na ang mga balita ng paglabag sa karapatang pantao, extrajudicial killings, kuropsiyon, at ugaling pangdiktador ng ating presidente, na iniulat ni Ressa at ng Rappler, ay pawang totoo.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.