FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.
KASABAY ng matinding kalungkutang idinulot ng CoVid-19 pandemic sa pinakamahihina nating kababayan, ipinagluluksa ko ang pagpanaw ng Kamara de Representantes. Totoo, makukumpirma ko base sa mga pangunahing senyales na nilisan na ng Batasan ang daigdig.
Paanong hindi, kung ang katawa-tawang bersiyon ng fact-finding panel nito sa anomalya sa Pharmally ay tuluyan nang nawalan ng puso at kaluluwa? Habang masigasig ang Senado sa pagbubunyag sa mga panloloko ng kulang sa kapital na pharmaceutical firm para makakopo ng bilyon-bilyong pisong halaga ng supply contracts sa pamamagitan ng pakikipagsabwatan sa ilang empleyado ng gobyerno, absuwelto naman ang kompanya sa mga pagdinig ng Kamara.
Sa pag-aabogado ng mga kasapi nito para sa Pangulo, tuluyan nang pinanawan ng buhay ang kapulungang ito ng Kongreso bilang co-equal arbiter ng mabuting pamamahala. Patay na, kung gayon, ang checks at balances, dahil napakalaking bahagi ng Kamara ang kaalyado ng administrasyon at walang sawang dumedepensa para rito.
Anong makabuluhang balita ang maaaring iulat mula sa Batasan kung peke naman pala ang isinasagawa nitong imbestigasyon? Tuluyan na itong nawala sa wastong katwiran dahil ang tibok ng pulso nito ay tanging Malacañang lamang ang isinisigaw. Kaya para sa akin, patay na ang Kamara.
* * *
Pero sasabihin ko sa inyo kung ano ang nagpapasigla sa Kamara kaya ito buhay na buhay dahil sa adrenalin rush – E-Sabong!
Mismong isang kasamahan sa media na dating kongresista ang nagsabing desmayado siya kung bakit ginawang prayoridad ng mga kapwa mambabatas sa Batasan ang E-Sabong Bill sa kalagitnaan ng nakababahalang pandemya.
Nitong weekend, binatikos ni Angelo Palmones ng AGHAM ang House Committees on Legislative Franchises at Ways and Means sa pagpa-prioritize sa pagpapasa sa panukala para sa electronic sabong o e-sabong gayong dapat na nagpapakaabala sila sa paghahanap ng paraan kung paano magiging epektibo ang pagtugon ng gobyerno sa pandemya.
Ang pangunahing makikinabang sa House Bill No.10199 (panukalang batas na nagkakaloob sa Lucky 8 Star Quest Inc. ng prankisa para magsagawa ng offsite betting activities sa mga lisensiyadong sabungan, derbies, at iba pang katulad na gawain sa pamamagitan ng online o iba pang modernong paraan, saan man sa Pilipinas) ay walang iba kundi ang dating bilanggong si Charlie “Atong” Ang.
“Si Ang, ang nasa likod ng Pitmasters Live games, ay siya ring nangangasiwa sa Lucky 8 Star Quest. Kaya ang panukalang ito ay akmang tawagin bilang ‘Atong’s franchise’,” sabi ni Palmones. At sumasang-ayon ako dahil sa lahat ng kompanyang umapela ng prankisa sa Kamara, tanging ang hiling ng Lucky 8 para sa 25-taong prankisa ang inaprobahan sa committee level.
Gaya ng sinabi ko, nawalan na ng silbi ang Kamara! Sa halip na gumawa ng mga batas na susuporta sa pagtugon ng gobyerno sa pandemya, na pumatay na ng libo-libong Filipino sa nakalipas na dalawang taon, itinuon nila ang napakahalaga nilang oras bilang mga mambabatas sa pag-aproba sa e-sabong, na ayon kay Palmones ay “sumira na ng napakaraming tahanan at pamilya at patuloy na gagawin ito.”
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.