MAGKAKABISTOHAN kung kanino napunta o sino ang mga nakinabang sa P8.7 bilyong ibinayad ng administrasyong Duterte sa Pharmally Pharmaceutical Corporation para sa medical supplies noong isang taon.
Ayon kay Senator Richard Gordon, kukuha ng forensic auditor ang Senado upang matunton kung saan napunta ang bilyon-bilyong pisong ibinayad sa Pharmally na kinukuwestiyon ng mga senador.
“Kailangan natin ngayon, kukuha kami ng forensic auditor. Kakausapin ko si Senate President Sotto, pumayag na siya in principle. Naghahanap kami ngayon ng forensic auditor, susundan dapat ‘yan. Pagka may arrangement na kami riyan, hahanapin kung saan pumasok lahat ang pera, malalaman lahat iyan,” ani Gordon sa The Mangahas Interviews sa GMA-7.
Matutuklasan aniya kung may money laundering dahil ipapasok ng mga nakinabang, ang pera sa kanilang bank accounts, at obligado ang banko na i-report sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) ang transaksiyon na mahigit sa P50,000.
“Follow the money, puro cash ang laro riyan, ang tseke lang ‘yung ibinayad ng gobyerno. Ngayon maipapasok na nila sa banko ‘yung mga perang ibinayad ng gobyerno. Maglalabas-masok na sa banko, iyon ang posibleng money laundering,” dagdag ng senador.
“Ang problema mahahanap mo ‘yan kasi ang ibinabayad ng gobyerno sa kanila ay tseke ng Landbank. Ang susunod na kabanata, saan mo idineposito ang tseke na ‘yan?”
Ipinapakuha na aniya ng Senado ang records ng mga transaksiyon sa banko at dapat ay makitang may report ito sa AMLC.
Kombinsido si Gordon na tama ang hinalang pre-meditated o planned plunder ang pagpabor ng PS-DBM sa Pharmally.
Marami aniyang dapat ipaliwanag si Pangulong Rodrigo Duterte dahil mga tauhan niya at mga kaibigan ang sangkot sa isyu. (ROSE NOVENARIO)