ni ROSE NOVENARIO
SA KABILA ng panawagan ng iba’t ibang grupo para sa libreng mass testing noong isang taon, nabisto kahapon sa Senado na hindi ginamit at nag-expire lang ang P550-M halaga ng CoVid-19 test kits na binili ng administrasyong Duterte.
Isiniwalat ito ni Sen. Francis Pangilinan sa pagdinig sa Senate Blue Ribbon Committee kaugnay ng P10-B halaga ng medical supplies na binili ng Procurement Service-Department of Budget and Management (PS-DBM) mula sa Pharmally Pharmaceutical Corporation mula sa P42-B pondo ng Department of Health (DOH).
Inamin ni DOH Assistant Secretary Nelson Santiago na nakapagsagawa sana ng 371,794 tests sa 8,000 kits na nag-expire.
Sinabi ni Pangilinan, umabot sana sa P1.2 bilyon ang natipid ng gobyerno kung may diskuwento at hindi binayaran nang buo ang CoVId-19 test kits na malapit nang mag-expire sa Pharmally.
“But full amount was paid. That is overpriced. Not just overpriced, that is also using equipment that is substandard or at least lacking in the necessary shelf life for us to be able to effectively deal with CoVid [and] avoid deaths and sickness,” sabi ni Pangilinan.
“So bakit pinayagan natin na mag-deliver ang Pharmally nang hindi compliant sa technical specifications tapos binayaran pa ng full na dapat sana ay nadiskuwento. Tapos hindi na nadiskuwento, binayaran ng buo. Hindi compliant tapos 371,000 testing kits ang hindi na magamit,” dagdag ng senador.
Kaugnay nito, natuklasan ng mga senador na hindi pa epektibo ang Bayanihan Law 1 nang binili ng PS-DBM ang milyon-milyong piraso ng face mask sa Pharmally noong 25 Marso 2020 taliwas sa pahayag ni Lao.
Sinabi nina Pangilinan, Senate President Tito Sotto at Senate Blue Ribbon Committee Chairman Richard Gordon na 25 Marso 2020 nilagdaan ni Pangulong Duterte ang Bayanihan Law 1 ngunit nagkaroon ng bisa ito noong 6 Abril 2020 kaya hindi saklaw ng batas ang pagbili sa Pharmally ng medical supplies noong 25 Marso 2020.
Katuwiran kasi ni Lao, hindi kailangan busisiin ang financial capability ng Pharmally ayon sa Bayanihan Law 1 na hindi tama para sa mga senador.
Ipinasusumite rin ng Senado ang lahat ng detalye sa pagbiyahe ng medical supplies mula sa China na binili ng PS-DBM gamit ang Philippine military at naval assets.
“They confirmed that there were 3 flights involving PAL, Cebu Pacific, and C130, and none of these flights were compensated by Pharmally or any of the suppliers,” sabi ni Sen. Imee Marcos.
Kaugnay nito, ikinulong sa Senado si Lincoln Ong, director ng Pharmally, dahil sa pagsisinungaling at pag-iwas sagutin ang mga tanong ng senador.
Mananatili si Ong sa gusali ng Senado hanggang magpasya siyang magsabi ng katotohanan.
Matatandaan na inamin nina Ong na si dating presidential economic adviser Michael Yang ang nagpautang sa kanilang kompanya para matustusan ang bilyon-bilyong pisong kontratang nasungkit nila sa PS-DBM.
Ipagpapatuloy sa Biyernes ang pagdinig sa isyu. (May kasamang ulat ni NIÑO ACLAN)