HATAWAN
ni Ed de Leon
KAWAWA naman si Jasmine Curtis Smith, nalagay na nga sa ”season break:” ang kanyang serye dahil hindi nakaabante sa ratings, mukhang hindi na ibabalik dahil ang pinag-uusapan na ngayon ay ang proyekto ni Alden Richards na kasama si Bea Alonzo. At ngayon binabanatan pa siya ng netizens dahil lamang sa pagkaing inorder at hindi nai-deliver sa kanya.
Nag-order daw siya ng pagkain, kaso hindi nakarating ang kanyang order, siguro nainis dahil nagutom, ang ginawa nag-post sa kanyang social media account, inilagay niya pati identity at picture ng rider na dapat mag-deliver sa kanya, at sinabi niyang ”ninakaw ang pagkain ko.”
Siguro nga nainis siya dahil binayaran niya iyon at hinihintay niya para kainin tapos hindi dumating. Hindi alam kung ano ang nangyari sa rider na hindi nakarating. Nangyayari iyan kahit na kanino. Kami naka- experience rin ng ganyan, nag-order kami ng pagkain para sana sa tanghalian. Hindi rin dumating. Nakarating ang pagkain namin ng 3:00 p.m., pero naaksidente pala ang rider. Ang naghatid sa amin ay iyong anak niyong rider, humihingi pa ng dispensa at huwag na raw bayaran kahit dapat ay COD. Kasi naaksidente nga ang tatay niya na siyang dapat magdala niyon. Eh kung ang ginawa ko ay minura ko rin ang rider at pinagbintangang ninakaw ang pagkain ko, ano ang gagawin ko sa ganoong sitwasyon?
Ang dapat gawin, kung hindi dumating ang inaasahang delivery, i-report ninyo sa customer service ng kompanya. Sila ang bahala sa rider nila. Bibigyan nila kayo ng refund ng ibinayad ninyo. Wala na nga lang magagawa kung nagutom kayo pero talagang ganoon eh.
Sino bang rider ang gustong maireklamo dahil hindi niya nai-deliver ang order na ipinadala sa kanya? Maaari siyang mawalan ng trabaho kung ganoon. Sa panahong ito, isusumpa mo kung mawawalan ka pa ng trabaho. Iyang mga rider na iyan kikita lang ng mga P100 sa bawat delivery, magpapa-gasolina pa ng motorsiklo niya. Kung mainit bilad siya sa araw. Kung umuulan, basa siya. Marami riyan hinuhulugan pa ang motorsiklo nila. Nagtitiis sila dahil mas mahirap kung wala silang pagkakakitaan.
Kaya hindi naman talaga tama na pagbintangan mo ang isang tao na ninakaw ang pagkain mo, ilabas mo sa social media at bigyan ng kahihiyan. Hindi lang iyong tao kundi pati ang pamilya niya. Iyong ibinayad, maaari namang ipa-refund. Pero iyong sakit na dulot niyon sa isang tao, hindi mo na mababawi.