NASAKOTE ang isang driver, mekaniko, at isang helper sa magkakahiwalay na lugar sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.
Ayon kay Caloocan police Chief Col. Samuel Mina, Jr., dakong 9:10 pm, nakatanggap ng tawag sa telepono mula sa isang concerned citizen ang mga tauhan ng Sub-Station 9 tungkol sa nagaganap na transaksiyon umano ng ilegal na droga sa Main Road, Antonio Compound, Saranay, Brgy. 171, Bagumbong ng nasabing siyudad.
Kaagad nagresponde ang mga pulis sa naturang lugar kung saan naaktohan sina Narciso Victoria, 40 anyos, isang tricycle driver, at Garry John Belga, 26 anyos, mekaniko na nag-aabutan umano ng hinihinalang shabu.
Kaagad na inaresto ng mga pulis ang mga suspek at nakuha sa kanila ang dalawang plastic sachets na naglalaman ng hinihinalang shabu na tinatayang nasa P12,920 ang halaga.
Dakong 10:20 pm nang maaresto din si Jayson Sayson, 18 anyos, helper, matapos ang habulan makaraang tangkaing takasan ang mga sumita sa kanyang mga pulis dahil sa paglabag sa curfew hours sa Phase 7A, Brgy. 176, Bagong Silang.
Nang kapkapan, nakuha sa kanya ang isang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang pinatuyong dahon ng marijuana with fruiting tops na tinatayang nasa P120 ang halaga.
Kapwa nahaharap ang mga suspek sa paglabag sa Dangerous Drug Act of 2002.
(ROMMEL SALES)