UMABOT sa 10,458 ang mga nakatanggap ng P10K ayuda sa ilalim ng programang
Sampung Libong Pag-asa ni dating Speaker Alan Peter Cayetano at mga kaalyadong kongresista sa BTS o Back To Service kasama si Congw. Lani Cayetano.
Pangunahing layunin ng 10K ayuda na maiahon, hindi lamang maitawid sa kanilang lugmok na kalagayan ang mga Filipino dulot ng pandemyang CoVid-19.
Kabilang sa mga benepisaryo ng 10K Ayuda ang ating mga kababayang nawalan ng trabaho at hanapbuhay, mga naluging malilit na negosyo, overseas Filipino workers (OFWs) at seafarers, mga atleta at coaches ng sports community, entertainers at stand-up comedians, kawani ng food industry, at iba pang sektor ng lipunan.
Nitong Biyernes, 200 ang nakatanggap ng P10K ayuda. Sa bilang na ito, 150 ang pinili sa pakikipagtulungan sa mga pamahalaang lungsod ng Maynila, Muntinlupa, San Juan, at Mandaluyong, samantala 50 ang pinili mula sa nakalipas na Facebook livestream ng programa.
Kasama ni Cayetano na namigay ng P10K ayuda sa mga BHW si Taguig 2nd Dist. Congw. Lani Cayetano na pangunahing nagsusulong para sa mas mataas na benepisyo ng mga BHW.
“Si Lani has really been working hard sa ating frontliners, lalo sa nutrition scholars, barangay tanods, at barangay health workers. From the start, ‘yun ang request niya sa akin, dahil ang mga barangay health workers in most areas around the country, dahil kapos o salat sa budget ang ating LGUs, ay allowance lang,” wika ni Cayetano.
Giit ni Congw. Lani Cayetano, bagaman allowance lamang ang natatanggap ng BHWs, “mahalagang tulong” ang hatid nila sa mga doktor at nurse, lalo ngayong nasa pandemya ang bansa.
“Hopefully, itong Sampung Libong Pag-asa (this program) can give some hope or some help to all of you,” dagdag niya.
“Karamihan ng ating mga barangay health workers ay nananatiling allowance basis, pero hindi matatawaran ang mahalagang tulong nila sa ating mga doktor at sa ating mga nurses, lalo noong tumama sa atin ang pandemya,” ani Congw. Cayetano.
Inilunsad ang Sampung Libong Pag-asa noong a-uno ng Mayo upang bigyan ng tulong pinansiyal ang mga indibiduwal na lubos na tinamaan ng pandemya.
Pinangungunahan ni Cayetano ang programa na nagsisilbi bilang kampanya ng grupo para sa pagkakasama ng P10,000 ayuda sa panukalang Bayanihan 3.