IKAKANTA ngayon sa Senate Blue Ribbon Committee ng isang whistleblower kung sino ang bumubuo ng ‘sindikato’ na responsable sa pagbili ng P8.7 bilyong overpriced medical supplies mula sa Pharmally Pharmaceutical Corporation.
Isiniwalat ni Sen. Panfilo Lacson, may bagong testigo na dadalo ngayon sa Senado na magbubunyag ng sindikato sa maanomalyang pagbili ng Department of Health (DOH) at Procurement Service – Department of Budget and Management (PS-DBM) ng CoVid-19 pandemic medical supplies sa Pharmally.
“Sabihin nating mayroon talagang sindikato and you’ll be surprised we’re working on something that would further open up itong kaso ng Pharmally,” ani Lacson sa programang Headstart sa ANC.
“He manifested to fully cooperate,” sabi ni Lacson kaugnay sa testigo ng Senado.
“I hope this will open up a lot of information. “
Hinala ni Lacson, may tangkang cover-up ang Palasyo sa naturang isyu bunsod ng pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na itigil ng Senado ang imbestigasyon matapos ang unang pagdinig pa lamang.
“Hindi pa tapos ang investigation, after the first hearing, anong statement lumabas sa Malacañang? Itigil na ng Senado ‘yang imbestigasyon,” sabi niya.
Maituturing na mensahe ito ng Pangulo, ani Lacson, sa kanyang mga kaalyado sa Senado na ipatigil ang imbestigasyon.
“Twenty-four republics kami, nobody can impose on anyone among us or between us… Not even the President of the Philippines can tell the Senate what to do. We will do and exercise our mandate.” (ROSE NOVENARIO)