ISASAILALIM sa isang linggong total lockdown ang Barangay 123 habang ipatutupad ang granular lockdown sa mga kalye ng Panay, Guinugitan, Masbate, at Victoria sa H. Dela Costa Homes, Barangay 179, sa Caloocan City.
Magsisimula ang lockdown sa nasabing barangay at mga kalye simula 12:01 am, 3 Setyembre hanggang 11:59 pm ng 9 Setyembre 2021.
Base sa kautusang nilagdaan ni Caloocan City Mayor Oscar “Oca” Malapitan, ipatutupad ang pitong araw na lockdown sa buong Barangay 123 matapos makapagtala ang City Health Department sa nasabing barangay ng anim na aktibong kaso ng CoVid-19 at hindi bababa sa 119 close contacts na kabilang sa 27 pamilya.
Samantala, ipatutupad ang granular lockdown sa mga kalye ng Panay, Guinugitan, Masbate at Victoria sa H. Dela Costa Homes sa Barangay 179 matapos makapagtala sa mga lugar na ito ng 16 aktibong kaso ng CoVid-19 at hindi bababa sa 103 close contacts.
Batay sa kautusan, sa buong panahon ng lockdown, mahigpit na pagbabawalan ang mga residente na lumabas ng kanilang mga tahanan at tanging medical frontliners, essential government employees, mga pulis, mga opisyal ng barangay at mga indibidwal na nangangailangan ng atensiyong medikal ang papayagang lumabas ng kanilang tahanan.
Ayon kay Mayor Malapitan, layunin ng isasagawang lockdown na magsagawa ng mass swab testing at contact tracing sa mga residente, kasabay ng malakawang misting at disinfecting operations sa lugar.
Tiniyak ng alkalde na mamamahagi ng food packs ang pamahalaang lungsod ng Caloocan sa mga apektadong residente.
“Pinulong natin kahapon ang mga kapitan ng apektadong mga barangay upang kaagad na makapaghanda at maabisohan ang mga residente. Sa ating mga mamamayan, patuloy po tayong humihingi ng pang-unawa at kooperasyon upang mapigilan ang patuloy na hawaan at pagdami ng mga tinatamaan ng virus,” pahayag ng alkalde. (JUN DAVID)