ISINAILALIM sa granular lockdown ang isang 9-unit apartment sa lungsod ng Antipolo, lalawigan ng Rizal, matapos magpositibo sa CoVid-19 ang ilang residente rito.
Sa imbestigasyon ng City Health Office, dalawang unit ang may nagpositibo at may mga suspected cases sa apat pang unit ng apartment na matatagpuan sa Ursula St., Milagros Subdivision, Brgy. Dalig, sa nabanggit na lungsod.
Nabatid na nailipat ang mga CoVid-19 patients sa isolation facility habang mino-monitor ng City Health Office ang kalagayan ng suspected cases.
Inihahanda na rin ng tanggapan ni Antipolo City Mayor Andeng Ynares ang pagpapa-swab test sa iba pang mga residente at mga food pack para sa 14-araw na lockdown.
Hinimok ng alkalde ang mga residente na huwag hayaang mas lalong dumami ang mga lugar na kailangang sumailalim sa granular lockdown at patuloy na sumunod sa safety and health protocols.
Napag-alamang sunod-sunod ang pagpapatupad ng granular lockdown sa mga piling lugar sa lungsod bilang pagtugon sa pagtaas ng mga kaso ng CoVid-19.
Kabilang dito ang isang compound sa Sitio Overlooking, Brgy. San Roque; dalawang establisimiyento sa Brgy. Dela Paz; isang compound sa Martinez St., Brgy. San Roque; dalawang kompanya sa Sitio Cabcab, Brgy. San Jose; at dalawang lugar sa Buliran Road, Sitio Bayugo, Brgy. San Isidro.
Isinailalim rin ang isang compound sa Paseo de Pas, ABA Homes, Brgy. Dalig sa 14-araw granular lockdown pagkatapos makapagtala ng pitong kompirmadong kaso ng CoVid-19. (EDWIN MORENO)