BULABUGIN
ni Jerry Yap
KAPAG nakapanonood ang inyong lingkod ng mga vloggers sa YouTube o sa ibang porma ng social media, naaaliw tayo sa kanila, lalo na ‘yung magaling magpatawa — malinis na pagpapatawa.
Mayroong mga vlogger, na parang segment na sa telebisyon dahil nag-i-interview sila ng mga interesanteng tao, nakapagbabahagi sila ng kanilang mga karanasan na kapupulutan ng mga aral.
Ilang vlogger naman ang nagtatampok o nagbabahagi ng kanilang kaalaman kung paano nila napaunlad ang kanilang mga farm o ang kanilang garden, at iba’t ibang paksa na nakapagtuturo, nakaaaliw, o napupulutan ng maraming ideya sa iba’t ibang bagay.
Pero, hindi lahat ng vloggers ay nakatutuwa. Kasi mayroon din namang ilan na nakatsamba lang ng maraming likes dahil pumatok sa ‘pagmumura’ pero ang askad talagang pakinggan at panoorin sa social media.
Kaya nagtataka tayo kung paanong nakahakot ng maraming likes o subscribers.
Ang mungkahi nga natin sa ganyang mga klaseng vloggers, dapat ay i-ban sa mga social media sites.
Gaya nga nitong isang na-curious ang inyong lingkod, kasi pinag-uusapan, kaya pinanood natin.
Nagulat tayo, kasi, bukod sa parang nabibiyak na lata ang boses, mula simula hanggang matapos yata ang kanyang vlog ‘e wala tayong narinig kundi pagmumura.
Mura nang mura, nililibak, at tinatawag na inutil ang kanyang viewers. Tapos magtataka kung bakit walang nagma-mine sa produkto niya.
Nakatsamba ngang matipohan ng isang talent manager itong palamurang vlogger, pero ganoon pa rin ang estilo sa vlogging, mura nang mura pa rin.
Dapat naman ay unti-unting baguhin nitong palamurang vlogger ang kanyang estilo. Bawas-bawasan ang pagmumura, at ayusin ang pagsasalita. Dapat na rin sigurong matutong mag-modulate ng boses kasi ang sakit talaga sa tainga ng boses — parang binibiyak na lata.
Dapat din sigurong pag-aralan ‘yan ng sikat na talent manager na nakapulot sa ‘inutil’ na vlogger dahil kung hindi masisira ang reputasyon niya sa industriya.
Humingi kayo ng payo, kay #WilbertTolentino, para naman matuto kayong mag-vlog.
Anong say mo, Mareng #WilbertTolentino?!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com