Sunday , December 22 2024

Duque, nagsosolo na

FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.

SA WAKAS, mukhang ‘di na maliligtasan ni Health Secretary Francisco Duque III ang mga alegasyon ng grabeng pagpapabaya, palpak na pamumuno, at matinding korupsiyon na matagal nang ibinabato sa kanya.

Hindi ko na mabilang kung ilang beses na pinuna ng kolum na ito si Sec. Duque dahil sa mga katiwalian sa Department of Health (DOH) at Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth), na parehong mataas ang pinanghahawakan niyang posisyon pero lagi niyang nalulusutan ang kontrobersiyang iniuugnay sa kanya.

Sa nakalipas na mga linggo simula nang isapubliko ng Commission on Audit (COA) ang audit report na naglilitanya sa mga ‘kakulangan’ ng DOH sa hindi tamang paggastos sa P67 bilyong pondo sa pagtugon sa COVID-19, mukhang hindi na malulusutan ni Duque ang isang ito.

Siyempre pa, tinangka ng kanyang tagapagtanggol at tagapagligtas, si Pangulong Duterte, na protektahan siyang muli mula sa mga nakaeeskandalong nadiskubre ng state auditors. Pero maging ang balabal ng proteksiyong iyon ay numipis na rin ngayong sinisikap ng Malacañang na magpakitang-gilas sa mga huling buwan ng termino ni Duterte.

Ang mga kaalyado ng Presidente, kabilang ang tinaguriang “people’s champ” na si Sen. Manny Pacquiao, ay pang-oposisyon na rin ang paninindigan dahil sa mga kapalpakan ng DOH sa ilalim ni Duque. At nariyan pa ang tinatawag na “mafia” sa DOH, na ayon kay Sen. Ping Lacson ay nagpuwersa sa mga pampublikong ospital na mag-imbak nang sobra-sobrang mga gamot na mapapaso na.

Ang pagdinig ngayon ng Senate Blue Ribbon Committee sa report ng COA laban sa DOH ay nakatuon sa mga iregularidad sa pagbili ng overpriced na facemasks at iba pang COVID-19 supplies. Inaprobahan ni Duque ang pagbili nang iutos niya ang paglilipat ng P42 bilyon mula sa DOH papunta sa Procurement Service ng Department of Budget and Management (PS-DBM).

Nang mga panahong iyon, ang PS-DBM ay pinamumunuan ng isang kasuspe-suspetsang appointee ng Pangulo — si Lloyd Cristopher Lao — na iginawad umano ang mga kontrata sa mga kompanyang may kuwestiyonableng kapital, address, operasyon, at ang ilan ay pinangangasiwaan ng mga Chinese na hindi na rin matunton.

Dahil sa isyung ito, naging komplikado na ang usapin, ayon kina Senator Franklin Drilon at Senator Lacson. Kapwa sila naniniwala na ang mga ebidensiyang lumutang sa anomalya sa DOH ay hindi lamang simpleng graft and corruption, kundi kaso na ng plunder o pandarambong na may katapat na hindi birong parusa.

Ito kaya ang dahilan kaya binago ni Digong ang kanyang tono, na mula sa paninindigan kay Duque anuman ang mangyari ay biglang kambiyo at handa na raw tanggapin ang pagbibitiw ng kalihim sa puwesto kung magkukusa ito?

Makalipas ang ilang araw, ang kanang kamay ni Duterte sa Kongreso, si Sen. Bong Go, ay may parehong apela, sinabing “dapat na mayroong magsakripisyo dahil buhay na ng publiko ang nakataya.” Kayo na ang bahalang intindihin ‘yan.

Malinaw na ang eleksiyon para sa pagkapangulo at lahat ng national at local posts ay mangyayari makalipas ang siyam na buwan at lahat ng politiko ay bundat na sa kani-kanilang ambisyon. Walang may gustong maiugnay sa isang taong tulad ni Duque. Wala na siyang pupuntahan, wala nang mapagtataguan, at wala na rin taong matatakbohan.

*              *              *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.

About Robert B. Roque, Jr.

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *