BULABUGIN
ni Jerry Yap
HAYAN na ang Bureau of Internal Revenue (BIR), pagkatapos siguro ng mahabang pag-aaral, pag-oobserba, paniniktik, at pagkuha ng datos sa mga namamayagpag sa social media like bloggers, vloggers, influencers, trolls, at TikTok stars, handa na silang ‘singilin’ ang mga may ‘utang’ sa buwis.
Kaya ‘yung mga account na mayroong milyon-milyong likers o subscribers, hayan na, susudsurin na kayo ng batas para maipatimo sa inyong isipan na dapat ay nagbabayad kayo ng buwis dahil malaki ang kinikita ninyo sa inyong mga blog, vlog, at iba pang porma ng pang-iimpluwensiya sa social media.
Marami na palang pinaalalahanan ang BIR sa hanay ng nasabing ‘industriya’ na dapat silang magrehistro sa BIR sa isang partikular na account bilang soc med influencers sa iba’t ibang anyo o porma nito.
Mantakin ninyo pati TikTok na may mataas na subskripsiyon ay bubuwisan na rin.
Hindi naman siguro lingid sa mga nagbababad sa social media kung sino-sino ang mga highest paid na influencers dahil sa rami ng kanilang likers o subscribers at mga sharers.
Kaya nga, maraming sumubok na pumasok sa nasabing industriya. May mga pumatok dahil sa sipag, sa pag-iisip ng iba’t ibang gimik, o kung gaano magiging informative ang kanilang blog or vlog. Pero marami rin ang mga nangabigo.
Hindi lang celebrities, mayroon ngang mga DDS (Duterte Diehard Supporters), mga programang tila ‘action man’ or ‘action lady’ ang dating. Mayroong tila barangay ang set-up, may magsusumbong, may isusumbong, may magsasabunutan, magmumurahan at iba pang malayang anyo ng bangayan sa social media.
May pamilyang makakaladkad ang problema sa publiko at pagpipiyestahan sa social media, at marami pang iba. Lahat ito ay pinagkitaan ng host social media influencer.
Sabi nga, lahat sila kumita. Hindi simpleng kita kundi hundred thousands habang ang iba nga ay milyon-milyong piso na — pero hindi nagbayad ng buwis sa pamahalaan.
Samantala ‘yung mga minimum wage earners, kapag hindi naaprobahan na exempted sa buwis, e tiyak na magbabayad sa BIR. At hindi makalulusot.
Kaya naman hindi makatarungan na makalusot sa pagbabayad ng buwis itong mga social media influencers na hinahabol ng BIR.
Sabi ng BIR sa kanilang memo: “The BIR has been receiving reports that certain social media influencers have not been paying their income taxes despite earning huge income from the different social media platforms.
“There are also reports that they are not registered with the BIR or are registered under different tax types or line of business but are also not declaring their earnings from social media platforms for tax purposes.
At habang tumatagal umano ang hindi nila pagpaparehistro sa BIR ay lalong lumalaki o tumataas ang kanilang penalties.
O social media influencers, ano pang hinihintay ninyo? Magparehistro na kayo at magbayad ng tamang buwis sa BIR.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com