ARESTADO ng mga awtoridad nitong Sabado, 21 Agosto, ang isang pulis na lagpas isang dekada na sa serbisyo, dahil sa hinihinalang pangingikil ng pera mula sa mga pamilya ng mga suspek na sangkot sa mga kasong hawak niya, sa lungsod ng Zamboanga.
Kinilala ni P/BGen. Fynn Dongbo, direktor ng PNP-Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG), ang suspek na si P/Cpl. Alexis Castillo Garcia, sumanib sa PNP noong taong 20210, residente ng Brgy. Putik at nagsilbi bilang imbestigador ng Zamboanga Police Station 11.
Nadakip si Garcia sa Mayor Climaco Avenue sa ikinasang operasyon na magkatuwang na ikinasa ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at Zamboanga police.
Ayon kay Dongbo, marami nang nagrereklamo laban kay Garcia mula sa pamilya ng mga suspek na pinangangakuan niyang madi-dismiss ang mga kaso laban sa kanila at hindi maililipat sa Zamboanga City Jail kapalit ng pera.
Ikinasa ang joint operation matapos magtungo sa tanggapan ni Dongbo ang kapatid ng isa sa mga suspek na nauna nang nadakip dahil sa drug offense, kung saan hiningian umano ni Garcia ng P120,000 ang pamilya upang hindi mailipat sa Zamboanga City Jail.
Narekober ng mga awtoridad mula kay Garcia ang isang bungkos ng boodle money, cellphone, isang Glock 17 pistol, mga magasin at mga bala, Philippine National Police (PNP) service ID, at firearm license card.