AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan
UNA’Y “bakuna nights” – isang masasabing tamang naisip at desisyon na ipinatupad ng pamahalaang lungsod ng Quezon. Naisip ng QC local government unit (LGU) na gawin ito para sa mga manggagawang interesadong mabakunahan pero walang sapat na oras sa umaga o hapon para magpabakuna.
Ang bakuna nights ng QC government ay umani ng papuri at pagpapasalamat sa nakararaming manggagawang hindi lamang residente ng lungsod kung hind imaging tagalabas basta’t ang kanilang pinapasukang kompanya o opisina ay nasa hurisdiksyon ng lungsod.
Marami na rin manggagawang nagbenepisyo sa bakuna nights…at patuloy na pinakikinabangan ng iba pang sektor. Ang bakuna nights ay araw-araw na ginagawa sa Quezon City mula 5:00 pm hanggang 9:00 pm.
Kung baga, after work ang oras para sa bakuna nights…salamat naman sa health workers/volunteers sa pagbibigay oras para sa mga manggagawa natin.
Salamat din sa QC government na pinamumunuan ni Mayor Joy Belmonte.
Pero linawin natin ha, hindi po basta-bastang pupunta sa QC hall para magpabakuna para sa bakuna nights dahil may patakaran din pong sinusunod. As usual, magparehistro muna sa online ng QC government para sa schedule. Tiyaga-tiyaga lang po.
Katunayan, dahil epektibo ang bakuna nights ng lungsod, ilang LGUs sa iba’t ibang panig sa bansa ang nagpatupad nito. Hindi naman po sila gaya-gaya kung hindi nakita nila ang benepisyong naidudulot nito sa mga manggagawang walang oras sa araw at sa halip ang kanilang oras ay after work.
Ngayon naman, nakita kasi ng QC LGU na dumarami ang may gustong magpabakuna kaya gumawa pa uli ng panibagong paraan ang lokal na pamahalaan.
Ito ay tinawag na Quick Substitution List (QSL) system.…at ito ay sinimulan na. Ipinatupad ito para mas maging episyente ang pagbabakuna sa mga residente laban sa CoVid-19 lalo sa mga atat nang mabakunahan. Atat? ‘Wag naman atat at sa halip gustong maprotektahan ang sarili at pamilya laban sa “veerus.”
Sa estilong ito, ang mga walang appointment para bakunahan ay maaaring magpalista sa QSL, upang palitan ang sinomang vaccine recipient na hindi sisipot sa nakatakdang iskedyul ng kanilang bakuna dahil sa medikal at iba pang balidong rason.
Sa ilalim ng QSL system, ang mga inilaang bakuna para sa naturang araw ay magagamit lahat at hindi makokompromiso ang integridad sa pamamagitan nang pagbabalik sa cold storage facility.
So, sa paraang ito, walang masasayang na bakuna – walang mapapanis. Ayos! Kagaling naman ng desisyon na iyan mayora. Tama lang ‘yan!
Ang siste, kailangan ng mga residente na walang appointment na magtungo sa vaccination sites at magpalista sa ilalim ng QSL. Isang miyembro ng staff ang tatawag sa kanila at magpapabalik sa kanila sa vaccination site pagsapit ng hapon kung malinaw na may hindi makapagpapabakuna sa araw ng kanilang iskedyul.
Pero hindi raw ibig sabihin na ang paglagda sa QSL ay may garantiya na mabibigyan sila ng vaccination slot sa araw na iyon, dahil depende ito sa bakuna na available sa site o kung mayroong hindi sisipot.
“In the afternoon, if there are beneficiaries who fail to show up or were deferred because of high blood pressure, failure to present a medical certificate or other reasons, we will call those in the QSL and invite them to get the shot instead,” paglilinaw ni Mayor Belmonte.
Ayon sa alkalde, ang naturang sistema ay dati na nilang ipinatutupad sa Smart Araneta Coliseum mega-vaccination site at iba pang malls na nagsisilbing inoculation sites.
Sa tala ng QC government – daily basis, nasa kabuuang 10 hanggang 50 o 10 % ng beneficiaries ang hindi nakapagpapabakuna sa araw ng kanilang schedules sa maraming vaccination sites sa lungsod.
O, sa mga taga-Kyusi, ano pang ginagawa ninyo? Maging kayong mga manggagawa na nasa lungsod ang opisina? Kilos na para mabakunahan na kayo. Huwag nang magdalawang isip pa.
Sa QC government naman, sa pangunguna ni Mayor Belmonte, maraming salamat po sa ipinakikita ninyong pagmamahal sa mga taga-QC at sa mga nagtatrabaho sa lungsod.