BULABUGIN
ni Jerry Yap
BILIB tayo sa bilis magdesisyon ngayon ng Malacañang at ng Inter-Agency Task Force (IATF) na muling mag-lockdown upang mapigil ang pagtaas ng CoVid-19 Delta variant.
Ibig sabihin kapag nag-lockdown, magsasara ulit ‘yung mga establisimiyento na halos kabubukas pa lamang at hindi pa bumabalik sa normal operations.
Nakapila rin ang mga dati nilang empleyado na nakikiusap na isama ulit sila sa workforce dahil ‘gutom na gutom’ na ang pamilya nila.
Ito ‘yung panahon na wala kang malapitan dahil pati kamag-anak na dating nakaluluwag ay masikip na rin ang kalagayan ngayon.
Sa bagong lockdown na ibinaba ng pamahalaan, ibig sabihin ay mahigit dalawang linggo na namang mawawalan ng trabaho ang mga manggagawa na bread winner ng kani-kanilang pamilya.
As usual paaasahin na naman ang mga mamamayan na mayroong ‘ayuda.’
Ang tanong, nasaan ang ayuda?
Ayudang may kalipikasyon. Bakit kailangan may kalipikasyon? Hindi ba dapat na lahat ng pamilya ay bigyan?
Kung nakaluluwag ang isang pamilya (meron pa ba?) baka ‘yung mga tycoon lang ‘yun. Kahit nga ‘yung sinasabi na upper middle class ay apektado na rin. ‘Yung natitira nilang kabuhayan, ipinang-aasikaso na nila para mag-migrate sa mga bansang may seguridad.
Ibig sabihin lang po natin, kung magdedesisyon ng lockdown ang pamahalaan dapat ay nakahanda na rin ang ayuda. Hindi naman inutil ang local government units (LGUs). Sa Maynila nga, anim na buwan namahagi ng food pack sa bawat pamilya si Mayor Isko & VM Honey.
Kung may hindi man nabigyan, tiyak na barangay ang may pananagutan diyan.
Wish lang natin, sa buong linggo na ito ay maasikaso ng national government ang ayuda para kapag nag-lockdown sa 6 Agosto hanggang 20 Agosto ay hindi mag-aalala ang bawat pamilya na magugutom sila.
Please lang po!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com