SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
MADAMDAMIN at emosyonal ang pagdiriwang ng 42nd anniversary ng Eat Bulaga noong weekend na muling nagkasama-sama sina Tito Sotto, Vic Sotto, at Joey de Leon.
Dahil sa pandemic, mahigit isang taong hindi nagkita-kita ng personal ang tatlo, at noon lamang anibersaryo muling nagsama para sa live episode ng show sa APT Studios.
Bukod kina Tito, Vic, at Joey, naroon din sina Ryan Agoncillo, Pauleen Luna, Paolo Ballesteros, at Maine Mendoza habang ang ibang Dabarkads ay Team Bahay tulad nina Alden Richards, Wally Bayola, at Jose Manalo.
Maluha-luhang nagpasalamat si Bossing Vic sa milyon-milyong loyal sa kanilang Dabarkads. ”Eh, kasi naman sa bawat yugto ng aming buhay bilang ama, bilang asawa, bilang Enteng Kabisote, Starzan, bilang Senator.
“Salamat! Salamat sa inyo Dabarkads dahil tinanggap at pinagkatiwalaan n’yo kami bilang Dabarkads n’yo ng maraming taon at sa mga darating pang panahon,” sambit ni Vic.
Ipinahayag din nito ang 100% support kay Senate President Tito Sotto sa mga susunod nitong plano bilang public servant. Nagpahayag na kasi si Tito Sen kasama ang ka-tandem niyang si Sen. Pampilo Lacson na tatakbo sila sa bilang Presidente at Vice President sa darating na halalan sa 2022.
“Si Tito Sen mula naman noon, saan ka man dalhin ng iyong kapalaran nandito pa rin kami at ano man ang sunod pang nakatadhana sa ‘yo nasa likod mo ang buong ‘Eat Bulaga,’” giit pa ni Bossing.
Maluha-luha rin ang naging reaksyon dito ni Tito Sen. ”Ang lakas ko na naman eh, at ang lakas ng loob ko eh, nanggagaling sa inyo, ‘Eat Bulaga’ at pagmamahal ng mga kababayan natin.
“Iba-iba ang daang tinatahak—mahirap, masaya, malungkot, mapanghusga pero bawal sumuko, bawal umayaw, tuloy lang tayo sa paghahatid ng isang libo’t isang tuwa at pag-asa saan man ako makarating,” sabi pa ni Tito Sen na nagpahayag noon na hindi siya tatakbong vice president kung hindi rin lang si Ping ang ka-tandem niya.
Kapwa buo ang suporta nina Tito Sen at Ping sa isa’t isa kaya naman sinasabing isa ang kanilang tandem sa malakas at paborito ng masa.