FACT SHEET
ni Reggee Bonoan
SOBRANG mahal na mahal ngayon ng buong Pilipinas si Hidilyn Diaz na unang nanalo ng gintong medalya sa 2020 Tokyo Olympics sa sinalihan niyang 55kg weightlifting competition (women’s division) dahil binabati siya sa pagbibigay niya ng karangalan sa bansa kahit na dumaranas tayo sa maraming pagsubok.
Kaliwa’t kanan ang mga pangakong premyong ibibigay kay Hidilyn mula sa ilang politiko at pribadong indibidwal, bukod pa sa P10-M na bigay ng gobyerno na ayon sa batas at karagdagang P3-M mula naman kay Presidente Rodrigo Duterte at furnished house and lot sa mismong bayan nito sa Zamboanga City.
Samantala, nagpahayag din ng pagbati ang Tutok sa Win sa Wowowin host na si Willie Revillame sa ating kampeon bilang unang Pinoy Olympic gold medalist.
Ayon kay Willie sa nakaraang episode niya, ”Magbibigay tayo ng parangal o tribute natin siyempre sa first gold medalist sa ating Olympics na ginagawa ngayon sa Tokyo.
“Ito kasi, baka hindi n’yo alam ang nangyayari ‘yung iba mga busy, nag-iisip kung ano kakainin, magbigay tayo ng parangal at magbigay tayo ng saludo sa isa po talagang naghirap, ibig sabihin sa ibinigay niyang dedikasyon para makuha at ma-achieve ang ginto sa Olympics.”
Ipinakita ang video ni Hidilyn at pinalakpakan ito ni Willie at pinasalamatan dahil sa kabila ng paghihirap ng Pilipinas para labanan ang COVID 19 pandemic ay heto at ibinangon tayo ng ating first gold medalist sa Olympics 2020.
“Nakakatayo ng balahibo, nakaka-proud na isang kababayan natin na may pinagdaraanan din ‘yan, ‘di ba? Alam ko nag-Facebook pa siya there was a time na kailangan-kailangan niya ng suporta, kailangan niya ng tulong, ayan!
“’Di ba ganoon talaga kapag may paghihirap ka sa buhay, pagkatapos ng paghihirap ‘yung ngiti mo, ngiti ng tagumpay.”
Sa kasalukuyan, naka-quarantine si Hidilyn sa loob ng pitong araw sa isang hotel sa Pasay City.