NAGSAGAWA ng sunod-sunod na pagsalakay nitong Miyerkoles, 28 Hulyo, ang mga awtoridad sa bayan ng San Miguel, lalawigan ng Bulacan, laban sa mga tindahang nagbebenta ng mga puslit o ‘untaxed’ na sigarilyo.
Sa ulat mula kay P/Col. Lawrence Cajipe, provincial director ng Bulacan PNP, ikinasa ng mga operatiba ng Bulacan Provincial Intelligence Unit (PIU) bilang lead unit, kasama ang mga tauhan ng San Miguel Police Station (MPS), ang magkakasabay na pagsalakay sa mga sangkot sa pamamahagi ng inangkat ngunit hindi binuwisang mga sigarilyo.
Nagsagawa muna ng entrapment operations ang mga awtoridad at nang magpositibo ay sinalakay ang mga tindahang Arsing’s, Daligcon’s, Perlita’s, at Dazal’s Store sa Brgy. Poblacion, sa nabanggit na bayan dakong 6:30 pm kamakalawa.
Sa isinagawang operasyon, nadakip ang walo katao na nakompiskahan, mula sa mga sinalakay na tindahan ng 23 reams ng Two Moon menthol; limang reams ng D&B menthol; 16 reams ng Two Moon Blue Star; dalawang reams ng Two Moon Light; apat na reams ng D&B American Blend; 12 reams ng Union American Blend, at buy bust money.
Nabatid, ang mga nakompiskang sigarilyo ay inangkat mula sa ibang bansa ngunit mga puslit at hindi nagbayad ng tamang buwis sa gobyerno. (MICKA BAUTISTA)