HATAWAN
ni Ed de Leon
“SALAMAT naman sa Diyos at walang namatay, walang nasaktan, at walang nasirang property sa ganoon kalakas na lindol. Ang report sa akin ay may ilang bahay lang daw na nagkaroon ng crack. Pero sabi ko nga kumbinsihin nila ang mga nakatira sa mga bahay na may crack na manatili muna sa evacuation centers hanggang hindi naiinspeksiyon ang kanilang bahay at napatunayang safe na para bumalik sila roon.
“Sa ngayon, isang evacuation center na lang ang may mga evacuee at nag-uwian na ang marami. Pero nakatatakot pa rin dahil kahit na mahihina na, hanggang kinabukasan mayroon pang mga after shock.
“Salamat sa Diyos. Talagang walang hindi nagagawa ang dasal. Inutusan ko nga ang mga tao namin sa office, tawagan ang mga kaibigan naming pari, magpapunta ng tao sa Carmel sa Lipa para hilingin sa mga madre na doblehin pa ang kanilang dasal. Sa awa naman ng Diyos walang masyadong problema pero kinabahan din ako noong nagising ako sa lakas ng lindol, at iyong epicenter sa Batangas pa mismo. Pero sabi ko nga kailangan ready pa rin kami sa kahit na anong eventuality, ready ang aming mga volunteer para sa relief operation, at kung kulang kami talaga ng volunteers doon sa Batangas, alam na nila ang gagawin. Tatawagan nila ang mga Vilmanian, mabilis ang mga iyan sa pagtulong.” sabi ni Ate Vi.
Talagang maraming nangungulit kung nakahanda na raw ba siyang tumakbo para sa mas mataas na posisyon. Ano ang masasabi ni Ate Vi riyan.
“Ganoon pa rin, Hindi ko pa iniisip iyan dahil ang dami pang problema sa Batangas. Iyong Covid, tapos sa amin mayroon pang Taal. Kailangan iyon ang unahin namin. Iyang pagtakbo sa eleksiyon I have until October to decide. Between now and October, congresswoman ako ng Lipa at dapat gawin ko ang trabaho ko bilang congresswoman nila. Hindi ako naghahabol ng posisyon eh.“Ang tingin ko nga kung mayroong sasalo sa mga dapat kong gawin hahayaan ko na eh, para mabalikan ko naman ang pagiging artista ko. May ambisyon pa ako. Gusto kong makapag-direhe ng pelikula. Hindi ko pa nagagawa iyon. Gusto ko ring mag-produce ulit, para makatulong naman sa industriya,” sabi pa ni Ate Vi.