KASADO na ang pagpapatupad ng mga kompanya ng langis sa pangunguna ng Pilipinas Shell ng dagdag-presyo ng kanilang produktong petrolyo ngayong araw ng Martes.
Base sa anunsiyo ng Pilipinas Shell, epektibo dakong 6:00 am ngayong araw, 20 Hulyo 20, magtataas ng P0.30 sentimos sa presyo kada litro ng diesel at kerosene, at P0.10 sentimos sa presyo ng gasolina.
Agad itong sinundan ng Seaoil at Caltex na magpapatupad ng kaparehong dagdag-presyo sa kanilang produktong petrolyo.
Hindi rin nagpahuli ang Total Philippines, PTT Philippines, at Petro Gazz na may kaparehong taas-presyo sa kanilang diesel at gasolina.
Bandang 4:01 pm, magtataas ng 30 sentimos sa presyo lamang ng diesel ang Cleanfuel at walang paggalaw sa presyo ng kanyang gasolina.
Ang bagong price adjustment ay bunsod umano ng paggalaw ng presyohan ng langis sa pandaigdigang merkado. (JAJA GARCIA)