DINAMPOT ang magkapatid na suspek at itinuturing na top 42 & 43 sa listahan ng most wanted persons (MWPs) sa kasong murder ng PRO3 PNP sa ikinasang manhunt operation ng mga awtoridad nitong Sabado, 17 Hulyo, sa mga lungsod ng Navotas at Malabon.
Kinilala ni PRO3 Director P/BGen. Valeriano De Leon ang magkapatid na suspek na sina Jonathan Arsega at Harold Arsega, parehong nasa hustong gulang, kapwa mga residente sa Talavera, Nueva Ecija na tatlong taon nang nagtatago sa batas.
Sa imbestigasyon ng mga awtoridad, itinuturong pangunahing suspek ang magkapatid na Arsega sa pamamaslang sa isang Bobby Valiente, residente sa Brgy. Bakal 2, Talavera, Nueva Ecija noong 1 Hulyo 2017.
Sa ulat, unang sinalakay ng mga kagawad ng RIU3 sa pakikipag-ugnayan sa TDS-IG, RID3, RIDMD3, 304th RMFB3, PIU PIDMB, Cabanatuan CPS NEPPO, at 1st PMFC Tarlac PPO ang hideout ng suspek na si Jonathan bandang 7:00 am sa Brgy. San Jose, Navotas.
Sunod na sinalakay ng mga awtoridad sa follow-up operation ang pinagtataguang lugar ng kapatid ng suspek na si Harold dakong 8:30 pm sa Brgy. Tenajeros, Malabon.
Dinakma ng sama-samang puwersa ng pulisya ang mga puganteng suspek sa bisa ng warrant of arrest na nilagdaan ni Presiding Judge Eleanor Teodora Marbas-Viscarra ng Sto. Domingo RTC Branch 89 sa Nueva Ecija, may petsang 22 Nobyembre 2017.
“The continuous arrest of persons sought by law goes to show that all police units are doing its best to account all wanted persons in order to rid the society of fugitives and lawless elements in line with the Intensified Cleanliness Policy of the Chief PNP P/Gen. Guillermo Eleazar,” pahayag ni P/BGen. De Leon. (RAUL SUSCANO)