INILINAW ng lokal na pamahalaan ng Taguig na magaling na at nakarekober na mula sa sakit na CoVid-19 Delta variant ang dumating na overseas Filipino worker (OFW).
Ito ang sagot ng city government sa kumalat na balita at naglabasang artikulo na may bagong kaso ng Covid-19 Delta variant na nakapasok sa Taguig.
Sinabi ni City Epidemiology and Disease Surveillance (CEDSU) head Dr. Jun Sy, ang isang OFW sa Taguig na tinamaan ng Delta variant ay isolated case, nakarekober na at naiulat noon pang buwan ng Mayo.
Ayon kay Dr. Sy, agad sumailalim sa quarantine ang naturang OFW nang dumating sa bansa at ngayon ay cleared na sa CoVid-19 Delta variant.
Aniya, hindi pinalabas ang pasyente at hindi nakauwi sa Tanguig hangga’t hindi gumagaling.
Bago pa umano mabatid na may CoVid-19 Delta variant sa bansa, bumuo ang Taguig Safe City Task Force ng Special Task Group Delta Force bilang paghahanda sa posibleng local transmission ng naturang variant sa lungsod.
Sa huling ulat, walang naitalang tinamaan ng Delta variant sa lungsod.
“We continue to remain vigilant and implement the Prevent-Detect-Isolate-Treat-Reintegrate strategy against all CoVid-19 variants to ensure the continued protection of Taguigeños,” pahayag ni Dr. Sy. (JAJA GARCIA)