NAGBABALA si Pangulong Rodrigo Duterte na maaaring magpatupad ng mas mahigpit na community quarantine bunsod ng ulat na may 35 kaso ng CoVid-19 Delta variant sa bansa at 11 rito ay lokal na kaso.
“The reported local cases in the country is a call for serious alarm and concern,” sabi ng Pangulo sa kanyang Talk to The People kagabi.
“We may need to re-impose stricter restrictions to avoid mass gatherings and avoid super spreader event,” dagdag niya.
Ilang bansa aniya ang naghigpit muli gaya ng Indonesia, Korea, at Taiwan.
“Now, it is not only Indonesia, tinamaan ulit ang Korea at Taiwan. Sila ‘yung nag-lockdown kasi pumasok nga itong variant na Delta,” anang Pangulo.
Hinimok ng Pangulo ang Department of Interior and Local Government (DILG) na pagbutihin ang implementasyon ng umiiral na community quarantine.
Binigyan diin niya ang kahalagahan ng bakuna kontra CoVid-19 lalo na’t sa pinakahuling resulta ng Pulse Asia survey ay lumabas na 43% Pinoys ang gusto nang magpaturok ng bakuna.
Mensahe niya sa mga ayaw magpabakuna, manatili na lamang sa bahay upang hindi makahawa.
“So kung ayaw talaga ninyong maniwala e ‘di huwag na lang kayong lumabas ng bahay para wala kayong mahawa. At kung ganyan ang — if that is your state of mind, actually to me you are anti-social, para kang galit sa tao. Ayaw… You are anti-social because in face of the danger confronting you and knowing fully well that it is really dangerous, you choose the path of this resistance by just not getting the vaccine at all. Ito ‘yung gusto kong — gusto ko, ito ‘yung gusto ko sila. Vaccines lang ito talaga,” giit niya. (ROSE NOVENARIO)###