NA-ENJOY namin ang panonood ng Gandemic:The VG-Tal Concert ni Vice Ganda noong Sabado sa ktx.ph kaya kahit inaantok kami sanhi ng aming 2nd dose vaccine nanood talaga kami.
Tumagal ng halos tatlong oras ang digital concert ni Vice Ganda na umpisa pa lang ay pasabog na sa kanyang production number gayundin sa mga bonggang damit. Opening song number ni Vice Ganda ang Beautiful Now ni Zedd, sumunod ang Under Control nina Alesso at Calvin Harris, at ang Alive ng Krewellas.
Pinaka-na-enjoy namin iyong production number nila ni Ice Seguerra na tinawag nilang Rainbow Number. Bago ang duet, kumanta muna ng solo si Ice ng Titanium at pagkaraan ay nag-duet sila ni Vice Ganda sa True Colors at Over the Rainbow. Aliw din ang comedy skit nina Negi at Petite with Vice Ganda.
Talagang napangatawanan ni Vice ang sinabi niyang magawa niya ng malaya ang gusto niyang gawin sa kanyang concert. At kaya siguro 9:00 p.m na iyon ginawa ay dahil malaya nga nilang nasasabi ang mga gusto nilang sabihin with matching murahan pa.
Nakaka-touch naman ang prod number nila ni Anne Curtis na iginiit ng aktres na bukod-tanging ang komedyante ang nakapagpalabas sa kanya simula nang umuwi sila ng Pilipinas ng kanyang anak at asawa. Ito rin ang unang pagkakataon na nag-perform uli ang TV host-actress mula nang isilang ang anak na si Dahlia noong March 2020.
Parehong naiyak sina Vice at Anne sa kanilang pagkikita kaya naman nasabi ni Vice na,“Hindi kami nagkita talaga at all. Hindi kami nagkita sa rehearsal. Ito lang ‘yung first time.
“Gusto ko rito lang tayo magkikita, at saka ayokong lumabas ka. Siyempre, may bagets. Sabi ko, one time big time lang lalabas si Anne. Huwag nang palabasin.
“Kanina, naiiyak na ako nang makita kita, pero sabi ko hindi. I really miss you so much.”
“Ikaw lang talaga ang makapagpapalabas sa akin nang ganito, to do this again,” sambit naman ni Anne.
“Hindi kasi siya lumalabas kasi, siyempre, may baby kaya nga isang tawag ko lang sa kanya, nag-yes naman siya, pero suntok sa buwan iyon. But I would understand if you will say no. Siyempre, nanay, hindi naman rampa-rampa lang ito,” paliwanag ng komedyante.
“Alam mo ang saya ko, nag-guest ka, pero bukod doon, ang pinakamasayang part, nakita kita uli. ‘Yung mga kinanta natin, puro para sa iyo talaga iyon, I am officially missing you,” sabi pa ni Vice Ganda.
“Ang ganda ng mga pinili mong songs, pero kaya rin ako naiiyak kasi ang hirap nilang kantahin,” natatawang sabi ni Annesa kinanta nilang I Will Always Love You ni Whitney Houston.
Nahirapan man pinuri pa rin ni Anne ang sarili. “Ang feeling ko naman, gumanda ‘yung voice ko kahit paano kaya lang, may pinipili na lang talaga siyang kantahin nowadays.”
Pinansin din ni Vice Ganda ang pink microphone ni Anne.
Anang aktres, nakapagpapaganda raw iyon ng boses kaya kahit mahal, binili niya.
Natanong ni Vice si Anne ukol sa pagiging nanay nito at sinabi ng aktres na, “Honestly, it’s the best thing in the world. It’s the best thing that ever happened to me. Bringing life into this world and having my own, hindi nga mini me, mini Erwan.”
Natapos ang concert ni Vice past 12 midnight at kasama rin sa mga naging guest niya ang Hashtag, Beks Battalion (Chad Kinis, MC, at Lassy). Si Marvin Querido ang naging musical director ng Gandemic.
– Maricris V. Nicasio