TINATAYANG P27.2 milyong halaga ng droga ang nasamsam ng mga awtoridad sa napatay na tatlong hinihinalang miyembro ng Kenneth Maclan drug syndicate nang makipagbarilan sa mga awtoridad nitong Lunes ng madaling araw, 12 Hulyo, sa lungsod ng Pasig.
Sa ulat na tinanggap ni NCRPO Regional Director P/Maj. Gen. Vicente Danao, kinilala ang mga napaslang na suspek na sina alyas Paulo, Richard, at Ricsan, pinaniniwalaang mga miyembro ng notoryus na Kenneth Maclan drug syndicate na may operasyon sa NCR, Region 3 at Region-4A.
Dakong 1:00 am kahapon, nakipagbarilan ang mga suspek laban sa mga awtoridad na nagkasa ng buy bust operation sa Tranix ROTC Road, Brgy. Rosario, sa nabanggit na lungsod.
Nakuha sa kotseng gamit ng mga suspek ang halos apat na kilong shabu na nagkakahalaga ng P27.2 milyon at P3 milyong buy bust money.
Nabatid na nagsagawa ng joint buy bust operation ang Pasig PNP, RID-NCRPO, RSOG, RDEU, PDEA, at Eastern Police District laban sa mga suspek sa lugar.
Aktong nagpapalitan ng droga at buy bust money na nagkakahalaga ng P3 milyon.
Dito nagkaroon ng ilang minutong barilan sa pagitan ng mga operatiba at tatlong suspek na naging sanhi ng kanilang kamatayan. (EDWIN MORENO)