DINAKIP ng mga awtoridad ang apat na pasahero ng isang sports utility vehicle (SUV) nang mahulihan ng mga ilegal na armas sa bayan ng Laurel, lalawigan ng Batangas, nitong Linggo, 11 Hulyo.
Sa ulat ng pulisya ng Laurel nitong Lunes, 12 Hulyo, hinarang ng mga guwardiya ng isang village ang isang Mitsubishi Pajero nang lumabag ang mga sakay nito sa solid waste ordinance ng Brgy. Berinayan dakong 9:00 pm.
Kinilala ang mga suspek na sina Christopher Carlos, Leonardo Balboa, Roberto de Guzman, at Joshua Mosqueda, pawang mga residente sa Brgy. Berinayan, na nakuhaan ng isang bag na naglalaman ng apat na uri ng mga baril at mga bala.
Nasamsam ng mga awtoridad ang mga baril kabilang ang isang kalibre .45, kalibre .38 rebolber, kalibre 9mm, pawang mga walang serial number; isang Micro UZI 9mm na mayroong serial number; iba’t ibang magasin at mga bala.
Patuloy na nag-iimbestiga ang mga pulis at inilagak ang mga suspek sa piitan habang inihahanda ang mga kasong isasampa laban sa kanila. ###