SINALAKAY ng mga awtoridad ang isang bodega sa lungsod ng San Jose del Monte, sa lalawigan ng Bulacan, na nadiskubreng nagpapasingaw o ilegal na nagre-refill ng liquefied petroleum gas (LPG) gamit ang tatak at pangalan ng ibang kompanya.
Sumalubong sa mga tauhan ng Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG), San Jose del Monte City Police Station (CPS), at PNP SAF 24 (SAC) ang mga refilling machine at mga tangke ng LPG sa sinalakay na bodega.
Sa bisa ng search warrant, ikinasa ang operasyon matapos makatanggap ng reklamo ang mga awtoridad na may operasyon ng ‘pasingaw’ ng LPG sa lugar na nagresulta sa pagkakadakip sa mga suspek na kinilalang sina Rosette Santiago ng San Isidro, Nueva Ecija at Chary Amoyoc ng lungsod ng Caloocan.
Sa isinagawang pagsalakay, nakumpiska ng mga awtoridad ang anim na Regasco LPG cylinder tank, pitong LPG cylinder tank, cash, at isang kalibre .38 revolver na kargado ng bala.
Nabatid na bukod sa ilegal na pagre-refill, pinepeke din dito ang ilang mga tangke at selyo ng LPG saka ilegal na ibinebenta sa mas murang halaga kaya malaking halaga ang nawawala sa legit distributors.
Nahaharap sa patong-patong na kaso ang dalawang naarestong suspek gaya ng paglabag sa Intellectual Property Rights Law at kasong pamemeke at ilegal na pagre-refill at paggamit ng tangke ng LPG. (MICKA BAUTISTA)