LIMANG “high risk” na persons deprived of liberty (PDL) ang tinutugis ng mga awtoridad nang tumakas mula sa Negros Occidental District Jail sa lungsod ng Bago nitong Martes ng madaling araw, 29 Hunyo.
Ayon kay Atty. Jairus Anthony Dogelio, tagapagsalita ng Bureau of Jail Management and Penology – Western Visayas (BJMP-6), naglunsad ng manhunt operation ang mga awtordidad upang muling madakip ang mga pugante.
Ani Dogelio, tinutukoy kung paano naputol ng mga pugante ang rehas ng kanilang selda dahil wala silang nakitang kagamitan para rito.
Ginamit din ng mga PDL ang kanilang mga damit bilang lubid upang makaakyat sa pader ng piitan para tuluyang makatakas.
Kinilala ang mga puganteng PDL na sina Francisco Epogon, Marvin Celeste, Danilo Celeste, Alejandro Montoya, at Daniel Tamon.
Si Epogon ay hinihinalang bahagi ng notoryus na Epogon robbery group na nakabase sa lalawigan, may kasong robbery with homicide at robbery with violation against intimidation of a person.
Samantala, kinahaharap ni Marvin ang kasong illegal possession of firearms, habang si Danilo ay may kasong carnapping, robbery, illegal possession of firearms, at attempted homicide.
Akusado si Montoya sa mga kasong carnapping, robbery, illegal possession of firearms, attempted homicide, at acts of lasciviousness, habang simapahan si Tamon ng kasong murder.
Agad tinanggal sa pwesto si Supt. Prizel Arevalo, Negros Occidental provincial jail warden, at pinalitan ni Chief Inspector Abner Zamora.
Iimbestigahan rin ang mga jail guard na naka-duty nang maganap ang insidente. ###