BUMAGSAK sa kulungan ang tatlong hinihinalang sangkot sa ilegal na droga nang makuhaan ng mahigit sa P.2 milyong halaga ng shabu sa magkakahiwalay na buy bust operation ng pulisya sa Caloocan City.
Ayon kay Caloocan city chief of police, Col. Samuel Mina, Jr., dakong 1:00 am nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/Maj. Deo Cabildo ng buy bust operation sa C-3 Road, Brgy. 28.
Kaagad sinunggaban ng mga operatiba ang kanilang target na si Romel Oliva, alyas Balong, 37 anyos, isang markadong pusher, matapos bentahan ng P8,500 halaga ng droga ang isang pulis na nagpanggap na poseur buyer.
Nakompiska kay Oliva ang tinatayang 15 gramo ng shabu, may DDB standard value na P102,000, at buy bust money na binubuo ng isang tunay na P500 bill at walong pirasong P1,000 boodle money.
Samantala, dakong 12:45 pm nang unang matimbog ng mga operatiba ng District Drug Enforcement Unit (DDEU) ng NPD sa pangunguna ni P/Maj. Amor Cerillo, sa ilalim ng pangangasiwa ni P/Lt. Col. Renato Castillo, sa kanilang buy bust operation sa Samson Road kanto ng Bugallon St., Brgy. 5 si Joan Tambasacan, alyas Ngero, 34 anyos, at Rizza Mae Nuñez, alyas Isay, 22 anyos.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. (ROMMEL SALES)