ITINIGIL pansamantala ng Parañaque local government unit (LGU) ang pagbibigay ng 1st dose ng bakuna kontra CoVid-19 kahapon, 29 Hunyo.
Ipinaliwanag ng Public Information Office (PIO), nakatuon sila sa pagbibigay ng 2nd dose ngayong buwan ng Hunyo dahil sa pagtaas ng demand ng mga magpapabakuna, kaya naghihintay pa sila ng karagdagang alokasyon ng CoVid-19 vaccine mula sa national government.
Mula sa 2,000 target mabakunahan kada araw sa vaccination sites, nalampasan ito at umabot sa 3,000 kada araw.
Paunawa ng PIO sa publiko, palagiang mag-monitor sa kanilang anunsiyo kung kailan ang muling schedule ng bakuna para sa 1st dose.
Sa ngayon, umabot sa 200,000 indibidwal ang bakunado mula sa target na 600,000 babakunahan sa lungsod ng Parañaque, na inaasahang matatapos sa buwan ng Setyembre. (JAJA GARCIA)