MAS mabilis na pagpapalawig ng digital technology sa mga pampublikong paaralan.
Ito ang isa sa mga benepisyong tinukoy ni Senador Win Gatchalian sa paggamit ng satellite-based technologies sa pagpapalawak ng internet access sa bansa.
Layon ng inihain ni Gatchalian na Senate Bill No. 2250 o “Satellite-Based Technologies for Internet Connectivity Act of 2021” na palawakin ang access sa satellite-based technologies bilang isa sa mga paraan upang maging konektado ang buong bansa sa internet.
“Habang hindi pa nakababalik ang mga mag-aaral sa eskuwelahan, mas maiging ngayon pa lang ay inilalatag na natin ang mga paghahanda para sa itinataguyod nating digital education sa buong bansa,” diin ni Gatchalian.
Sa ilalim ng naturang panukala, papayagan nang magkaroon at magpatakbo ng satellite-based technology para sa kanilang mga gawain ang mga ahensiya ng pamahalaan, mga pampubliko at pribadong non-profit institutions, at mga volunteer organizations na nakatutok sa mga usaping pang-edukasyon, kalusugan, pinansya, agrikultura, pangangalaga sa kalikasan, pagtugon sa climate change, kahandaan sa mga sakuna, at pagresponde sa mga krisis.
Upang makapaghatid ng internet gamit ang satellite-based technologies, lalo a mga lugar kung saan magiging magastos ang paglalatag ng wired o mobile wireless networks, ginagamit ang satellite upang makakuha ng internet signal mula sa internet service provider (ISP) papunta sa user.
Nagpapadala ng wireless internet signal ang ISP sa isang satellite sa kalawakan, habang ang satellite dish ay konektado naman sa modem ng user upang makagamit ito ng internet.
“Sa isinusulong nating pagpapalawig sa paggamit ng satellite-based technologies, bawat paaralan at bawat tahanan ay maaari na nating maabot,” ayon sa Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture.
(NIÑO ACLAN)